top of page
Search
BULGAR

Gerald Anderson nabiktima ng ‘basag-kotse’ gang sa Quezon City

ni Jasmin Joy Evangelista | February 14, 2022



Hindi nakaligtas sa mga miyembro ng ‘basag-kotse’ gang ang sasakyan ng aktor na si Gerald Anderson matapos pagnakawan ang kanyang sports utility vehicle (SUV) sa Quezon City, kahapon.


Naganap ang krimen sa Roces Avenue, ayon sa National Bureau of Investigation(NBI).


Batay sa footage ng CCTV, makikitang may dalawang motorsiklo na dumating malapit sa SUV na naka-park sa harap ng isang establisimyento lampas alas-singko ng hapon.


Sinilip nito ang bintana ng itim na SUV saka binasag ang kaliwang bintana at kinuha ang isang bag.


Matapos nito ay sumakay na ang suspek sa motor, ngunit bumalik pa ito at kinuha pa ang isang bag sa unahang upuan ng sasakyan.


Kaagad na tumakas ang dalawa na sinusundan ng isa ring lalaking lulan ng motorsiklo.

Sa pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI SAU), natunton ang isa sa mga suspek.


"Sa aming pag-iimbestiga, naka-receive kami ng information na 'yung mga motor na ginamit ay na-identify sa isang Tondo-based na basag kotse group. Nagkaroon kami ng surveillance and casing operations hanggang natunton namin 'yung bahay ng isa sa mga napuntahan ng gamit ni Gerald Anderson," ani NBI SAU Executive Officer Attorney Kristine dela Cruz.


Sumuko sa NBI SAU ang suspek na si John Allen Dancel alias Elong na umaming siya ang bumasag sa salamin ng SUV at tumangay sa mga gamit ng aktor.


Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang isang mamahaling bag, dalawang relos at mga gadgets ngunit hindi pa narerekober ang isang wallet, mga ID, at pasaporte.


Hindi umano sinadya ng mga suspek na sasakyan ni Anderson ang kanilang pupuntiryahin.


"Naghahanap po kami ng madidiskartehan ng pera. Hindi po namin sadya na makita 'yung sasakyan ni sir Gerald Anderson po. Ta's noong sinilip ko po, may laman po 'yon. Kinuha ko po," kuwento ng suspek sa isang panayam.


Ayon naman sa NBI SAU, dati nang sangkot sa robbery ang grupo ng suspek.

"Itong mga taong ito ay may mga previous cases. Nakulong na rin sila dati at may mga pending cases for the same modus, robbery," ani dela Cruz.


Nagpasalamat naman si Anderson sa mga awtoridad.


"Gusto ko pong gamitin ang pagkakataon na ito para magpasalamat po sa NBI lalo na po Special Action Unit. Sobrang salamat po sa dedication, sa perseverance at patience para ho mahanap natin po 'yung mga gumawa ng krimen na ito sa basag kotse na ginawa po sa aking sasakyan," aniya.


Nasa kustodiya na ng NBI si Dancel at nahaharap sa kaukulang kaso habang patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek.

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page