ni Anthony E. Servinio / GA - @Sports | May 7, 2022
Patuloy ang pamamayagpag ng Dynamic Herb Cebu Football Club at nanaig sila sa palaban na Maharlika FC Manila, 2-1, sa pagbabalik ng 2022 Copa Paulino Alcantara sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite, Huwebes nang gabi. Tig-isang goal nina Arda Cinkir at Jeremiah Borlongan ay sapat para maitala ng Gentle Giants ang ikaapat na sunod na panalo.
Kahit balot ng benda para sa malalim na sugat sa noo noong nakaraang laro, lumaban pa rin si Cinkir at ipinasok ang unang goal sa ika-36 minuto, salamat sa pasa ni Lorenzo Genco. Ito na ang ikatlong goal sa torneo para sa forward na tubong Turkey at tabla na sila ni Daizo Horikoshi ng defending champion Kaya FC Iloilo sa karera para sa Golden Boot o ang may pinakamaraming goal.
Dahil sa kanilang halos araw-araw na laro, ibinalasa ni Cebu Coach Memet Akil ang kanyang manlalaro at nagbunga ito ng dibidendo sa ikalawang goal buhat sa reserbang si Jeremiah Borlongan sa ika-56 minuto. Unang pinatalbog ni Borlongan ang bola sa kaliwang poste at tinamaan nito ang kanang poste bago tumawid ng linya at nanood na lang si Maharlika goalkeeper Vinci Valdez.
Sasabak sa malaking hamon ang Dynamic Herb sa tapatan nila sa United City ngayong Linggo, simula 4:00 ng hapon. Sa pangalawang laro, hahanapin ng Stallion Laguna FC ang unang hakbang upang makasingit sa semifinals sa laban nila kontra Maharlika sa 7:00 ng gabi.
Samantala, handa na ang kickboxers sa aksiyon sa Linggo, Mayo 8 sa layuning makasungkit ng 4 na gold medal sa SEA Games Vietnam. Nakapasa ang kickboxers sa medical examinations kahapon at nagpahayag ng kasiyahan si Samahang Kickboxing ng Pilipinas President Senator Francis “Tol” Tolentino na mananatiling malakas ang performance ng Pinoy athletes.
“All Filipinos are with the Philippine kickboxing team to again bring home pride to our country. More than their winning chances, their sacrifices and disciplined training are proof of the utmost traits of us Filipinos.”
Comentarios