ni Anthony E. Servinio @Sports | July 30, 2023
Mga laro ngayong Linggo – Angelis Resort, Muntinlupa
5:00 p.m. Santa Rosa vs. Binan
7:00 p.m. Cam Sur vs. Muntinlupa
Patuloy na hahanapin ng Muntinlupa ang unang panalo sa 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa pagsalubong nila sa bisitang Cam Sur Express ngayong Linggo sa Angelis Resort simula 7:00 p.m. Bago noon, gaganapin ang ikalawang kabanata ng Laguna Clasico sa paghaharap muli ng Santa Rosa Lions at Tatak GEL Binan sa 5 p.m.
Nilasap ng Muntinlupa ang kanilang pangatlong sunod na talo sa KBA Luid Kapampangan, 102-109, noong Biyernes sa Colegio de Sebastian sa San Fernando City.
Kinapos sila sa huli at ipinasok ni Marc Jhasper Manalang ang paniguradong mga free throw na may 7 segundong nalalabi upang maging 107-102.
Walang nakapigil kay Best Player Lhancer Khan na nagsabog ng bagong marka na 35 puntos. Gumawa ng 24 si Tristan Kyle Villablanca para sa Muntinlupa at siya muli ay aasahan kasama sina John Mark Ondevilla at Crispin Barnedo.
Sa unang laro, tinalo ng Taguig Generals ang Express, 101-90, para manatiling perpekto sa 6-0. Bumanat ng husto ang Taguig sa 4th quarter at lumayo mula sa 76-73 lamang matapos ang third quarter. Napiling Best Player si Dan Anthony Natividad sa kanyang 12 puntos. Nanguna sa Generals si Lerry John Mayo na may 14 habang 12 puntos din si Francisco Tancioco.
Nanaig ang Lions sa Tatak GEL, 86-79, noong una nilang pagkikita noong Hunyo 25 sa Santa Rosa. Aabangan ang mga matinik ng Lions na sina Shinichi Manacsa, John Lester Maurillo, Gio Calacalsada at kapitan Jeff Disquitado.
Samantala, magkakaroon ng tryout para sa bagong koponan na Zambales Eruption para sa NBL-Pilipinas Chairman’s Cup ngayong taon. Tumuloy lang sa Botolan Covered Court sa Agosto 2 at SBMA Gym sa Agosto 5, pareho sa 6 p.m.
Comentarios