ni Lolet Abania | May 20, 2022
Isang buhawi ang tumama sa Barangay Buenavista Uno sa General Trias, Cavite nitong Huwebes ng hapon, ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Ilang residente ng lugar ang kumuha pa ng video, kung saan makikitang nagdilim ang kalangitan habang ang mga yero at dahon ay nililipad nang paikut-ikot ng malakas na hangin na may kasamang ulan. Sumiklab pa anila, ang isang poste ng kuryente matapos na dumikit ang isang yero sa kawad nito.
Gayundin, ayon pa sa mga nakasaksi, sumasayaw ang mga sanga ng puno sa tindi ng lakas ng hangin, habang may biglang lumalagapak umano sa ibaba.
Sa inisyal na record ng CDRRMO, ilang tirahan ang pinsala dahil sa buhawi. Gayundin, may naiulat na nasaktan sanhi ng mga nagliparang bagay.
“Natuklap ‘yung mga bubong, tapos ‘yung mga shanty ay mayroong ilan-ilan na nagiba, at pati ‘yung mga puno ay nabuwal dahil sa lakas nitong buhawi,” pahayag ni Fernando Olimpo, officer-in-charge ng General Trias CDRRMO.
Ayon kay Olimpo, bumuhos muna ang malakas na ulan sa kanilang lugar nitong Huwebes ng hapon bago tuluyang nabuo ang buhawi.
“Doon nagsimula sa Barangay Buenavista Uno, then nag-cross siya ng ilog tapos dumiretso sa Barangay Santiago,” saad ni Olimpo. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang mga napinsalang kabahayan sa lugar.
תגובות