top of page
Search

GCQ sa NCR Plus, balik-trabaho na para sa ekonomiya

BULGAR

@Editorial | May 15, 2021



Mula ngayong araw, isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang NCR, Laguna, Rizal, Bulacan at Cavite o ang tinaguriang NCR Plus.


Nangangahulugan ito na mas madaragdagan ang mga establisimyentong magbubukas at biyaheng papayagan, kaya darami rin ang mga taong nasa labas.


Kaugnay nito, naniniwala naman ang Department of Health (DOH) na handa na ang mga lugar na sakop ng NCR Plus na bumalik sa estado ng GCQ.


Bumaba na raw ang “average daily attack rate” o tinatayang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 kada araw sa NCR Plus, pati na ang “growth rate”.


Lumuwag na rin ang sitwasyon sa mga ospital o ang “healthcare utilization rate” ng rehiyon at mga lalawigan.


Kaya panahon na para makabawi-bawi ang ekonomiya. Kung saan, aabot umano sa 200,000 trabaho ang inaasahang maibabalik sa ilalim ng GCQ.


Matatandaang, mula nang inilagay ang NCR Plus sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso, umabot na 1.5 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho. Bumaba ito ng hanggang 1 milyon nang inilagay ang NCR at mga karatig lalawigan sa ilalim naman ng modified ECQ noong Abril.


Sa ngayon, ang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ay bumaba pa sa 700,000 matapos na payagan ang limited operations ng ilang mga establisimyento tulad ng mga dine-in restaurants, barber shops at parlors sa gitna ng MECQ.


At tulad ng palaging paalala sa tuwing nagbababa ng community quarantine, hindi ito nangangahulugang dapat maging kampante. Bagama’t niluwagan ng pamahalaan ang quarantine classification, may mga panuntunan pa rin dapat sundin ang publiko.


Kailangang masiguro pa rin na kontrolado ang sitwasyon sa gitna ng pandemya upang hindi na tayo muling bumalik sa paghihigpit na mauuwi na naman sa kawalan ng trabaho — nganga.

0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page