ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 29, 2023
‘DI alam ni Gabriel kung bakit nakaramdam siya ng pagkapaso nang yakapin niya si Princess. Daig pa niya ang nakuryente kaya agad siyang bumitaw sa pagkakayakap sa kanyang nobya.
“What's wrong?” Nagtatakang tanong nito sa kanya.
Lalong kumunot ang kanyang noo sa tanong nito. Hindi naman kasi ito palasalita ng Ingles kung hindi naman ito kinakausap sa wikang iyon. Ngunit, hindi ibig sabihin noon ay hindi na ito marunong makipagbalitaktakan sa wikang Ingles. Sumali sa Declamation si Princess noong high school sila. Confident ito sa pagsasalita ng banyagang wika, kaya naman ito ang tinanghal na champion, kaya lang ngayon ay parang kahit dalawang salita lang ang sinabi nito ay parang kay tigas ng dila nito.
“Ano bang sinasabi mo?” Nagtatawa niyang tanong sa sarili.
Napailing siya dahil hindi niya maintindihan kung bakit napansin niya ang mga detalyeng iyon. Gayung dapat ay masiyahan siya sa pagdilat nitong muli.
“Okey na ba ang pakiramdam mo.”
“Yes, miss na miss na kita,” malambing nitong sabi.
Yayakapin sana siya nito, pero parang awtomatiko ang kanyang pag-iwas. Agad siyang lumayo rito para hindi siya maabot.
“Masaya ako na okey ka na. Teka, tatawagin ko ang doctor,” wika niya.
Bumuka ang bibig nito para sana magsalita, pero agad na siyang kumilos para iwanan ito. ‘Di niya alam kung bakit ganu’n ang nararamdaman niya, pero ‘di siya komportable rito, at pakiramdam niya ay may mali.
“Ikaw ba ang naaksidente?” Natatawang tanong niya sa sarili.
Kung umasta kasi siya ay parang kakaiba gayung wala naman siyang ipinagdarasal kundi ang magising na si Princess. Nagtataka lang siya kung bakit kahit natupad na ang gusto niyang mangyari ay parang may kulang. Parang hindi ganito ang nararamdaman niya kapag siya’y tinititigan, at kinakausap ni Princess. Para tuloy gusto niyang humalakhak. Napakaimposible naman kasing sa isang saglit ay nagbago na ang kanyang damdamin.
Mahal niya si Princess, ngunit bakit nang magising ito ay parang hindi tumitibok ang kanyang puso para rito. Parang isa lang din ito sa mga taong madalas niyang makasalamuha.
Itutuloy…
Comentarios