ni Anthony E. Servinio @Sports | June 17, 2023
Laro sa Lunes – Rizal Memorial Stadium
7:00 p.m. Pilipinas vs. Chinese-Taipei
Humugot ang Philippine Men’s Football National Team ng goal mula kay reserba Jarvey Gayoso na sinamahan ng matatag na depensa ni goalkeeper Patrick Deyto upang maukit ang 1-0 panalo sa bisita Nepal Huwebes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Ito na rin ay positibong simula sa pagbabalik sa pambansang koponan ni Coach Hans Michael Weiss matapos ang halos isang dekada.
Dumating ang goal ni Gayoso, isa sa bituin ng Philippines Football League champion Kaya Iloilo, sa ika-50 minuto. Umalis sa kanyang puwesto si Nepal goalkeeper Kiran Limbu at nakita agad ni Gayoso ang puwang upang ipasok ang bola sa gitna ng mga nagkumpol-kumpol na kakampi at kalaban.
Pumasok si Gayoso sa ika-44 minuto upang palitan si Patrick Reichelt na nagtamo ng malaking sugat sa ulo at hindi na nakabalik sa laro. Kakapasok lang din ni Reichelt noong ika-37 minuto kasabay ni Enrique Linares upang palitan sina Martin Steuble at Oskari Kekkonen at buhayin ang mabagal na simula ng Azkals.
Nagulat ang marami sa biglang pagdagdag kay Stephan Schrock na inihayag ang kanyang pag-retiro sa pambansang koponan noong Enero sa pagtatapos ng AFF Mitsubishi Electric Cup. Ipinasok siya sa ika-71 minuto at naramdaman ang kanyang presensiya at naalagaan ng mga Pinoy sa kanilang 1-0 lamang.
Ayon kay Coach Weiss, kinuha nila si Schrock matapos mapilay o biglang umatras ang ilang manlalaro. Hindi kasama sa orihinal na listahan, tumutulong sa una si Schrock sa ensayo at naniniwala si Coach Weiss na may ibubuga pa ang beterano.
Comentarios