top of page
Search
BULGAR

Gawing prayoridad ang pandemic preparedness at pagpapaunlad sa healthcare system

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 25, 2022


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nakakaramdam ako ng kaba kapag may ulat na bahagya na namang tumataas ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Naisaayos na kasi ang ating pandemic response sa nakalipas na mga taon sa ilalim ng Administrasyong Duterte at matagumpay nating nakontina ang virus.


Ayokong maulit pa ang nangyari noong una tayong tamaan ng pandemya na masyadong nahirapan ang ating healthcare system, nakulong tayo sa ating mga bahay, at naantala ang mga kabuhayan ng ating mga mamamayan.


Kaya ngayong may pagtaas ng kaso na naitatala, muli akong umaapela sa ating mga kababayang hindi pa bakunado na agad nang magpabakuna. Uulitin ko po na napatunayang ligtas ang bakuna, at ito ang tanging susi at solusyon para tuluyan na tayong makaahon mula sa pandemya at makabalik sa normal na pamumuhay.


Importante rin po na magpabakuna tayong lahat dahil may nagbabanta na namang panibagong health concern — ang Monkeypox — kaya huwag na nating hintayin pa na dalawang problemang pangkalusugan ang ating lalabanan. Uulitin ko po, kung kuwalipikado na kayo sa bakuna, huwag na po kayong mag-alinlangan pa para na rin sa proteksyon nating lahat.


At habang nakaantabay tayo sa papasok na bagong administrasyon para magtimon sa atin sa susunod na anim na taon, gusto kong bigyang-diin na napakahalaga na magkaisa tayo at gawing prayoridad ang pandemic preparedness at ang pagpapaunlad sa ating healthcare system.


Umaasa ako na ang bagong administrasyon ay ipagpapatuloy ang magagandang programa ng Administrasyong Duterte, lalo na ‘yung nakakatulong sa mahihirap at pinakanangangailangan. Isa na rito ang pagpapalawig pa ng mga Malasakit Center sa buong bansa para matiyak na ang mga mahihirap na Pilipino ay mabilis na makakakuha ng tulong medikal.


Napakalaki ng papel na ginagampanan ng Malasakit Center pagdating sa pangangalaga sa kalusugan ng ating mga kababayan — lalo na ang mga nasa malalayong komunidad at walang ibang mahihingan ng tulong. Mabuti na lang at naisabatas na ito para marami pang matulungan na mga kababayan nating may sakit kung ito ay patuloy na susuportahan ng mga susunod na administrasyon.


Sa aking sariling kapasidad bilang senador at inyong Kuya Bong Go na anumang oras ay handang magserbisyo, asahan n'yo ang aking patuloy na suporta at pagsusulong ng mga inisyatiba na pakikinabangan ng lahat ng Pilipino — lalo na ang mga higit na nangangailangan.


Unang-una na nga po rito ang pagpapalakas at pagpapalawak ng ating health care system. Sa katunayan, nitong Mayo 23, 2022 ay inisponsoran ko sa Senado ang mga panukalang batas na magpapalakas sa ating healthcare system sa iba’t ibang sulok ng bansa. Kabilang dito ang walong panukalang batas para sa pagpapatayo ng mga bagong LGU hospitals; 18 na panukala para sa upgrading ng LGU hospitals; at apat na panukala para sa upgrading ng mga ospital na nasa pangangasiwa ng DOH — na pawang mayroong Malasakit Center.


Mga kababayan, tapos na ang halalan. Kahit magkakaiba tayo ng paniniwala sa pulitika ay dapat tayong magtulungan para sa ikaaayos ng ating bayan. Kung tayo ay magkakaisa, walang maiiwan sa ating muling pagbangon mula sa mga krisis na ating pinagdaanan.


Tahimik po akong magtatrabaho para maipagtanggol ang kapakanan at interes ng mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap. Magbago man ang mga namumuno sa ating bansa, patuloy ako sa pagtupad sa aking tungkulin at sa responsibilidad na iniatang n'yo sa akin na magkaloob ng komportableng buhay sa bawat Pilipino na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page