ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 3, 2022
Nakadudurog ng puso sa sinapit ng ating mga kababayan na hinagupit ng Bagyong Paeng. Higit tayong nalulungkot para sa ibang may kapamilyang nasawi. Nagpapaabot tayo ng buong pusong pakikiramay.
Agad nakipag-ugnayan ang ating tanggapan sa mga LGUs at naghatid ng food packs at iba pang relief goods sa mga biktima ng bagyo.
Noong Oktubre 30 ay pinuntahan natin ang Datu Odin Sinsuat at Parang sa Maguindanao del Norte; at Datu Abdullah Sangki at Ampatuan sa Maguindanao del Sur. Humigit-kumulang sa 1,200 food packs ang naipadala sa araw na iyon.
Sumunod na araw ay nagpadala naman tayo ng higit 3,000 food packs at dagdag-tulong sa mga LGUs sa Maguindanao del Norte para sa Cotabato City at munisipalidad ng Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Buldon, Barira, Matanog, Datu Blah Sinsuat, Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan at Upi. Sa Maguindanao del Sur naman ay kasalukuyang inihahanda ang dagdag-food packs para naman sa mga munisipalidad ng South Upi, General Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Datu Montawal, Sultan sa Barongis, Mamasapano at Datu Piang.
Sa North Cotabato, nagpadala rin tayo ng kabuuang 2,000 food packs para sa mga biktima ng bagyo, partikular para sa mga lugar ng Libungan at Midsayap, pati na sa Aleosan, Kabacan at Pigkawayan.
Kahapon din, Nobyembre 1 ay nag-abot tayo ng tulong sa Cavite na tinamaan din ng bagyo. Humigit-kumulang sa 1,500 food packs at iba pang pangangailangan ang dinala natin para sa mga residente ng Kawit, Rosario, Noveleta, Cavite City at Bacoor City.
Patuloy ang ating pagbisita sa iba pang nasalantang komunidad sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa panahon ngayon, kung kailan maraming parte ng bansa ang tinamaan ng sakunang ito — dagdag pa riyan ang pandemya at lindol na naramdaman sa hilagang parte ng bansa —bawat oras, bawat minuto, bawat piso at bawat tao na maiaambag natin para makatulong sa kapwa natin Pilipino ay mahalaga upang makapagsalba ng buhay.
Kaya patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at LGUs para alamin kung paano pa tayo mas makatutulong sa mga isinasagawang relief, recovery and rehabilitation efforts. Gagawin natin ang ating parte para magkaloob ng suporta sa mga apektadong komunidad, saanmang dako ng bansa.
Napakalawak ng pinsalang idinulot ng Bagyong Paeng sa ating bansa at sa ating mga kababayan. Kaya tulad ng madalas nating sabihin noon pa man at hanggang ngayon, kailangan talagang maging mas handa ang ating bansa sa ganitong sitwasyon.
Saludo tayo sa mga kawani ng gobyerno na ginawa ang kanilang tungkulin sa panahon ng krisis at trahedya. Ngunit bilang mambabatas ay nais din nating paigtingin pang lalo ang mga mekanismo sa paghahanda, pagresponde at pagbangon para mas maproteksyunan ang buhay ng ating mga kababayan.
Kaya patuloy nating ipinaglalaban na maisabatas ang isinumite nating Senate Bill No. 188 na lilikha sa Department of Disaster Resilience. Sa loob ng isang taon ay nasa mahigit 20 bagyo ang dumaraan sa ating bansa, bukod pa ang ibang kalamidad tulad ng lindol at pagputok ng bulkan. Kapag naitatag ang DDR, may sarili itong kalihim na magbibigay ng mas malinaw na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon bago dumating at pagkatapos ng kalamidad.
Bukod dito, nariyan din ang ating panukalang Mandatory Evacuation Center Act of 2022. Layunin nito na magtayo ng matitibay at permanente na evacuation center sa bawat probinsya, lungsod at munisipalidad. Bukod sa maayos na tulugan at palikuran, kumpleto ito sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot at mga damit. Bigyan natin ang mga biktima ng maayos na matutuluyan pansamantala para mas ligtas at mabilis silang makabangon.
Isa pa sa isinusulong natin ang Rental Housing Subsidy Bill na ang layunin ay pagkalooban ng ayuda sa kanilang pangungupahan ang mga Pilipinong nawalan ng tirahan para mayroon silang disenteng matitirahan at gastusin habang hindi pa naitatayong muli ang kanilang bahay o inihahanap pa sila ng relokasyon.
Habang nakikidalamhati tayo sa ating mga kababayan na apektado ng sunud-sunod na kalamidad, gawin din natin ang lahat ng ating makakaya para makapagligtas at maproteksyunan ang mas maraming buhay sa hinaharap.
Patuloy lang tayong magserbisyo at magmalasakit sa kapwa para sama-sama nating malampasan ang isa na namang hamon sa katatagan at pagkakaisa nating mga Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments