ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 27, 2023
Naging mabunga ang ating pagsisimula ng linggong ito dahil noong Lunes, September 25, ay ilang mga panukalang batas ang naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado.
Pasado na rin ang mga ito sa Kongreso at magkakaroon na lang ng bicameral committee meeting bago isumite kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Kapag naging ganap na batas, napakalaki ng maitutulong ng mga panukalang ito sa buhay ng ating mga kababayan.
Co-author at co-sponsor tayo sa tatlong panukalang ito, na masusing tinalakay at pinagdebatihan namin ng mga kapwa ko mambabatas hanggang makapasa na nga sa huling pagbasa.
Una sa mga panukalang ito ang Senate Bill No. 1846, o ang Internet Transactions Act. Layunin nito na maprotektahan ang mga mamimili at mga negosyante sa kanilang online transactions nang hindi nakokompromiso ang kanilang privacy at seguridad. Napapanahon ang pagsasabatas nito dahil sa tumataas na bilang ng mga mamimili na gumagamit ng e-commerce upang mapabilis at mapadali ang pagbili ng kanilang mga pangangailangan.
Noon ko pa sinasabi na dapat maprotektahan natin ang ating maliliit na negosyo at online sellers na ang gusto lamang ay maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya, lalung-lalo na ngayong panahong ito. Sa kabilang banda, dapat din namang mapangalagaan ang ating mga online consumers. Kailangang matiyak ang kalidad ng mga produktong kanilang binili at mapangalagaan sila laban sa mga scam.
Masaya ko ring ibinabalita na pasado na sa Senado ang panukalang magpapalawak sa sakop ng Centenarian Act.
Sa ilalim nito, kapag naging ganap na batas, ang isang senior citizen na aabot sa edad na 80 ay tatanggap ng cash gift na P10,000 at P20,000 naman pagsapit sa edad na 90.
Bukod naman sa P100,000 na matatanggap ng sasapit sa edad na 100, pagkakalooban din siya ng liham ng pagbati mula sa Pangulo ng Pilipinas.
Nasa kultura na nating mga Pilipino na alagaan ang ating mga nakakatanda. Dapat natin silang suportahan at bigyan ng pagkilala. Habang kaya pang pakinabangan at ma-enjoy ng senior citizen ang cash gift, ibigay na natin sa kanila. Maganda rin na may inaasahan ang ating mga senior citizens pagtuntong nila ng 80, 90 at 100 years old. Anuman ang halaga, maaari itong magsilbing inspirasyon sa kanila para mas maging positibo ang kanilang pananaw at mag-improve ang kanilang katayuan.
Suportado ko ang anumang hakbang na magpapabuti lalo sa kalusugan at kapakanan ng ating mga senior citizens. Kilalanin natin sila dahil malaking sakripisyo ang ginawa nila noon upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya na siyang pundasyon ng ating lipunan. Suklian natin sila ng pagmamahal at pag-aaruga sa kanilang pagtanda. Bilang isa sa mga vulnerable groups, kailangan ng mga matatanda natin ang tulong at suporta ng pamahalaan. Kaya itong cash gift ay sigurado akong malaking tulong sa kanila kung maging ganap na batas.
Malaki naman ang aking pasasalamat sa aking mga kapwa mambabatas na nagbigay din ng kanilang buong suporta para sa pagpasa ng Senate Bill No. 2001, o ang New Philippine Passport Act.
Kung magiging batas ito, higit na magiging madali at mapapabilis para sa mga Pilipino ang pagpoproseso ng kanilang passport, at mas mapapalakas ang seguridad at integridad nito. Sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, nararapat lang na maging mas akma, abot-kaya at mas ligtas ang pagkakaroon ng Philippine passport. Ang karapatan sa paglalakbay ay isa sa mga ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas.
Isa rin ito sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ating sinuportahan, kung saan ang mga senior citizens at migrant workers ay maaaring mag-renew ng kanilang passports nang online at hindi na kailangan pang pisikal na magpunta sa opisina ng Department of Foreign Affairs.
Aatasan din ang DFA na magtayo ng online application portal at ng Electronic One-Stop Shop na maaaring ma-access sa official website ng ahensya. Ang mga kababayan natin na walang passport ay maaaring mag-apply para sa emergency passports, na valid sa loob ng isang taon.
Maaari rin silang mag-request ng emergency travel document certificate kung nawala ang passport bago umuwi sa Pilipinas kapag naisabatas ito.
Ang mga senior citizens at PWDs ay bibigyan din ng 20 percent discount sa kanilang passport application fees. Magkakaroon din ng special lane para sa senior citizens, PWDs, mga buntis at overseas Filipino workers (OFWs) kapag ito ay naging ganap na batas na.
Samantala, bukod sa ating trabaho sa Senado ay patuloy tayo sa paglalapit ng serbisyo sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Kahapon, September 26, masaya kong ibinabalita na nagkaroon na ng groundbreaking ang itatayong Super Health Center sa Talakag at Kalilangan sa probinsya ng Bukidnon.
Naging guest of honor and speaker naman tayo noong September 24 sa ikaapat na anibersaryo at 5th Induction Ceremony ng Lions International District 301-A4 na ginanap sa Maynila. Sa aking mensahe na dinaluhan ng mga officials, members, district governors at past district governors, nagpasalamat tayo sa malaking tulong na ibinigay ng kanilang komunidad sa administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, at sa malaking ambag ng organisasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong at suporta sa mga kababayan nating lubos na nangangailangan.
Dumalo rin tayo sa 48th Firstfruits and Thanksgiving Anniversary ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia (MBBE) sa Sta. Ana, Manila sa imbitasyon ni Manila 6th District Representative Bienvenido "Benny" Abante Jr. Inilahad natin doon ang ating paniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Naghatid naman ang aking tanggapan ng tulong sa 653 biktima ng sunog sa Bongao, Tawi-Tawi; at 22 pamilyang nasunugan din sa Brgy. Calingatngan, Borongan City, Eastern Samar.
Napagkalooban din ng kabuuang 500 food packs ang mga naging biktima ng bagyong Egay sa bayan ng Barlig, Mountain Province.
Nagbigay rin tayo ng dagdag suporta sa mga nawalan ng trabaho, kabilang na ang 457 residente ng Alangalang, Leyte na benepisyaryo rin ng programa ng DOLE.
Sa kabila ng ating mga naisasakatuparan bilang inyong kinatawan sa Senado, at Senator Kuya Bong Go na nagmamalasakit at nagseserbisyo sa bawat Pilipino, asahan ninyo po na patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya at uunahin ko ang kapakanan ng ating mga kababayan na higit na nangangailangan, ang mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Patuloy rin akong susuporta sa mga programa ng ating gobyerno para sa ikabubuti at ikagagaan ng buhay ng bawat sektor ng ating lipunan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments