top of page
Search
BULGAR

Gawing gabay ang mga aral ni Rizal sa muling pagbangon

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 30, 2022


Ginugunita natin ngayong araw, December 30, 2022, ang ika-126 anibersaryo ng kadakilaan ni Dr. Jose P. Rizal. Ibinuwis niya ang kanyang sariling buhay para mamulat ang sambayanan sa mga aral ng importansya ng kalayaan. Ang kanyang mga panulat ay naging mitsa upang mabuhay sa dibdib ng iba pa nating bayani ang pagnanais na maging malayang bansa ang Pilipinas noong panahon ng himagsikan. Bukod sa pagiging manunulat at makata, isa rin siyang doktor, siyentipiko at bihasa sa iba’t ibang wika. Ang kanyang husay at talino ay kinikilala maging ng ibang bansa.


Isa si Rizal sa ating mga idolo. Tulad niya, passion din natin sa pagseserbisyo sa mga Pilipino at pagmamahal sa bayan. Kaya napakasaya natin nang naatasan tayo noong October 28 upang ikatawan ang Philippine Senate sa ginanap na unveiling ng ceremonial plaque bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Espanya sa Jose Rizal Monument, Avenida de las Islas Filipinas sa Madrid, Spain.


Ang nasabing okasyon ay angkop na pagpupugay sa mayamang kasaysayan na ibinahagi ng dalawang bansa, gayundin sa ating bayaning si Dr. Jose Rizal na ang mga paniniwala at adbokasya ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa ating mga Pilipino mula noon hanggang ngayon.


Sa ibang bansa ay nakita ni Rizal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng edukasyon at ng mga bagong ideya at dinala niya ang mga ito sa Pilipinas upang makatulong sa mga kapwa niya Pilipino. Ngayon, habang ang ating modernong mundo ay patuloy na humaharap sa mga bagong hamon at umuusbong na banta sa kalusugan at kaligtasan natin, hindi tayo dapat huminto sa pag-aaral mula sa iba at gamitin ang mga ito para sa kapakanan ng sariling mamamayan.


Kaya patuloy tayong nagseserbisyo tulad ni Dr. Jose Rizal. Naniniwala tayong ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos. Ang ginawa niyang pag-aalay ng sariling buhay para sa kinabukasan at kalayaan ng Pilipinas ay dapat bigyang-halaga. Hindi natin dapat kalimutan ang kanyang kabayanihan. Ang kanyang mga ipinaglaban ay dapat magbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na magsumikap para sa kanilang mga kababayan, lalo na sa kabataang Pilipino, na ayon sa kanya ay pag-asa ng Inang Bayan.


Gabay ang mga aral ni Rizal, patuloy pa rin ang ating pag-alalay sa mga kababayan nating higit na nangangailangan at nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Noong December 27 ay personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa 212 pamilyang nasunugan sa Bgy. San Dionisio, Parañaque City. Hindi rin natin kinaligtaan ang 89 pamilya sa Malabon City na naging biktima ng sunog.


Naglibot din ang ating relief team sa iba’t ibang komunidad sa Iloilo para magkaloob ng tulong sa mahihirap na residente at tiyakin na may mapagsasaluhan ang kani-kanilang pamilya sa pagsapit ng New Year, tulad ng 333 benepisaryo sa Estancia, 333 sa Carles at 200 pa sa San Dionisio.


Masaya rin nating ibinabalita na isinagawa ngayong araw ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Igbaras, Iloilo.


Ipinagdarasal natin sa Diyos na ang pagsapit ng 2023 ay magbibigay ng panibagong sigla at pag-asa sa ating lahat—lalung-lalo na sa mga dumaan sa mabibigat na pagsubok ngayong taon.


Sa ating kapasidad bilang inyong Senador Kuya Bong Go at inyong lingkod bayan, ipagpapatuloy natin ang ating nasimulan na paghahatid ng serbisyo at malasakit sa inyong lahat sa abot ng ating makakaya. Gawin nating tanglaw ang dakilang bayani na si Dr. Jose Rizal sa pagsapit ng Bagong Taon—na sumisimbolo sa panibagong pag-asa. Mula po sa aking puso, Happy New Year sa inyong lahat!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page