top of page
Search
BULGAR

Gawing de-kalidad pero abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 12, 2022


Noong Nobyembre 8 ay nag-co-sponsor ang inyong lingkod para sa 2023 budget bill na magkakaloob ng mga kinakailangang dagdag-pondo para sa ating mga prayoridad na sektor.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ipinaabot natin sa mga kasamahan sa Senado na ang paglalaan ng budget para sa pangangalaga sa kalusugan ng lahat ng Pilipino ay dapat ituring na mahalagang investment.


Nagpapasalamat tayo dahil naisama ang karagdagang budget para sa pagpapalawak at pagpapalakas ng epidemiology at surveillance systems ng Department of Health; Cancer Assistance Fund para matulungan ang mga kababayan nating sumasailalim sa cancer treatment; hiring ng immunization vaccinators para mapalakas ang isinasagawang immunization activities ng DOH upang mapigilan ang posibleng paglaganap ng mga sakit na kayang kontinahin sa pamamagitan ng bakuna; Health Facilities Enhancement Program para sa mas moderno at kumpletong pasilidad at kagamitan; at maging ang Medical Assistance for Indigent Patients program para sa mahihirap nating kababayan.


Natutuwa tayo na maipagpapatuloy ang pagtatayo ng karagdagang Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa sa susunod na taon para maisaayos lalo ang accessibility ng ating health facilities at services.


Bukod dito, ang P21 bilyong inilaan sa ilalim ng PhilHealth ay magagamit para madagdagan ang benefit packages kabilang ang pagpapalawak ng free dialysis coverage, mental health outpatient coverage at ang pagpapatupad ng comprehensive outpatient benefit package, kabilang ang libreng medical check-up. Kaya dapat maimplementa na nang buo ang Universal Health Care law.


Sa pamamagitan nito, magagarantiyahan nating ang bawat Pilipino ay may karapatan sa de-kalidad at abot kayang serbisyong pangkalusugan.


May karagdagang budget din para sa Overseas Filipino Workers Hospital. Isa ito sa priority projects ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte para sa mga OFWs at sa kanilang pamilya. Magkakaroon din ng Malasakit Center sa OFW hospital. Patunay ito na prayoridad natin ang mga OFWs, kaya rin talagang isinulong nating maisabatas ang pagtatatag sa Department of Migrant Workers. Masaya rin tayo na may sariling budget na sa susunod na taon ang DMW.


Nagkaroon din ng dagdag-budget ang National Academy of Sports na isa rin sa mga proyekto ng nakaraang administrasyon. Natutuwa tayong patuloy nating masusuportahan ang mga student-athletes. Isang paraan itong NAS para maisulong ang grassroots sports development, makakapag-training sila at makakapag-aral nang sabay. Maisusulong din natin ang sports sa kabataan imbes na maligaw o malulong sila sa masasamang bisyo. Sabi ko nga, “Get into sports, stay away from drugs.”


Lubos ang pasasalamat natin dahil sa iisang hangarin na mas mapalakas ang healthcare system at mga sports program sa bansa. Ngunit sabi ko nga, ang importante, magamit ang budget na ito para sa mahihirap, siguraduhin natin na walang magutom at matulungan ang mga helpless, hopeless at walang malapitan.


Tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo at malasakit sa ating mga kababayan na hanggang ngayon ay apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis ang kabuhayan.


Ngayong araw, bumisita tayo sa Roxas City, Capiz para tingnan ang kalagayan ng mga sinalanta ng Bagyong Agaton at mapagaan ang dalahin ng higit tatlong libong benepisaryo. Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Balasan, Iloilo para magbigay ng tulong sa kanilang transport sector at masilayan ang bago nilang transport terminal na ating sinuportahan ang pagtatayo. Namahagi rin tayo ng tulong sa maliliit na negosyo sa Estancia, Iloilo at nag-inspection sa itinatayong public market na atin ding sinuportahan na mapondohan. Pinuntahan natin ang pagtatapos ng limang araw na pamamahagi ng ayuda sa mga naging biktima ng bagyong Agaton sa Anilao, kasabay ang pagsagawa ng inspeksyon at monitoring ng itinatayong Super Health Center sa nasabing bayan.


Noong Nobyembre 7 ay personal tayong bumisita sa Batangas at nagkaloob ng ayuda sa 1,362 mahihirap na residente ng Balayan; at 400 pa sa Calatagan na apektado ng kalamidad kung saan inilunsad din namin ang Super Health Center na itatayo roon.


Nakarating din ang ating tanggapan sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong. Sa Iloilo, limang araw tayong namigay ng ayuda sa Anilao para sa 7,615 benepisyaryo; bukod pa ang 293 sa Pototan; 177 sa Lambunao; 17 sa Bingawan; at 15 pa sa Calinog. Sa Cagayan kung saan nanalasa ang bagyong Paeng ay napagaan natin ang dalahin ng 650 benepisyaryo sa Sanchez Mira; 450 sa Gonzaga; 450 sa Camalaniugan; at 300 pa sa Allacapan.


Hindi natin kinaligtaan ang Surigao del Norte at natulungan ang 1,641 residente ng Sison; 1,662 sa Taganaan; at 1,267 pa sa Placer. Sa Cavite, naayudahan ang 1,000 residente ng General Mariano Alvarez; at 500 pa sa Bacoor City. Naalalayan din ang 1,666 residente ng Tukuran, Zamboanga City; 472 sa Brgy. Sto Niño, Hagonoy, Bulacan; 436 sa Cagayan de Oro City; 390 sa Sta. Cruz, Zambales; 225 sa Dumaguete City; 300 sa Malasiqui, Pangasinan; 600 sa San Pablo City, Laguna; 169 pa sa Tarlac City; at 246 sa Binuangan, Misamis Oriental.


Namahagi rin tayo ng 1,400 food packs para sa mga biktima ng Bagyong Paeng sa Malolos City, Pandi, Marilao, Paombong, Hagonoy at Calumpit, na mga lugar sa Bulacan; 300 sa Taytay, Rizal; at 600 pa sa San Pedro City, Laguna.


Mayroon ding 78 pamilya mula sa Iligan City na nakatanggap ng tulong.


Hangad natin ang pantay-pantay na serbisyo. Palagi tayong magtulungan, magbayanihan at magmalasakit sa kapwa upanh mabilis nating malampasan ang mga pagsubok na ating kinahaharap.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page