top of page
Search
BULGAR

Gawing batas ang pagkakaroon ng Math and Science high schools sa bawat probinsya

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 4, 2022


Muling inihain ng inyong lingkod ang panukala na magtatag ng math at science high school sa lahat ng probinsya sa bansa, bagay na sumasang-ayon sa direktiba ng administrasyon na patatagin at bigyan ng prayoridad ang Science, Technology, Engineering, at Mathematics (STEM) sa basic education.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act, ang mga probinsya na wala pang math at science high school ay bibigyan ng mandatong makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) upang ipatayo ang mga paaralang ito.


Ang mga paaralang ito ay magpapatupad ng integrated junior-senior high school curriculum na tututok sa mga advanced na subject sa science, mathematics at technology sa ilalim ng paggabay ng DepEd at ng Department of Science and Technology (DOST). Kukuha ng kurso sa pure and applied sciences, mathematics, engineering, technology at iba pang larangang irerekomenda ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga estudyanteng nagtapos sa mga math and science high schools na ito.


Kung matatandaan natin ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan halos 80 bansa ang nakilahok, ang mga Pilipinong mag-aaral ang nakakuha ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Mathematics at Science. Ang Pilipinas din ang nakakuha ng pinakamababang marka sa Mathematics at Science sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS). Sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019 naman, 17 porsyento lamang ng mga mag-aaral ng bansa sa Grade 5 ang may taglay ng minimum standards pagdating sa Mathematics.


Alam nating sa Mathematics at Science nakasalalay ang pagsulong ng inobasyon sa ating bansa. Kaya naman upang mahasa ang kaalaman ng mas marami nating kabataan pagdating sa agham at mathematics, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay patuloy nating isusulong ang Math and Science High School sa bawat probinsya sa bansa na pagmumulan ng ating mga magagaling na mathematician, engineer, at mga scientist.


Batay sa datos ng UNESCO Institute of Statistics, wala pang 200 na mananaliksik kada isang milyong katao ang meron sa bansa. Ang bilang na ito ang isa sa pinakamababa sa buong ASEAN. Sa Thailand, may halos isang libong mananaliksik kada isang milyong katao, samantalang may mahigit dalawang libong mananaliksik kada isang milyong katao sa Malaysia. Upang matupad ang layunin ng bansa na maging susunod na tiger economy ng Asya, kailangan natin tugunan ang kakulangan sa strategic human capital investments na nakatutok sa Mathematics at Science.


Ang specialized academic preparation ay nagbubukas ng mga oportunidad sa critical thinking, financial literacy, at evidence-based decision-making, mga bagay na mahalaga sa pagpapatatag ng ating ekonomiya, lalo na’t kailangan natin ng workforce na mahusay sa math at science.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page