top of page
Search
BULGAR

Gawilan, makakabawi pa; Mangliwan, nadiskaril

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 28, 2021




Hindi natapos ni Jerrold Pete Mangliwan ng Pilipinas ang kanyang karera sa 400M T52 Finals kagabi sa Tokyo Olympic Stadium. Na-diskwalipika si Mangliwan matapos na pumasok siya sa lane ng kalaro.


Napunta ang ginto kay Tomoki Sato ng Japan sa oras na 55.39 segundo na isang bagong Paralympic Record na dating hawak ng kababayan niyang si Tomoya Ito na 57.25 sa Beijing 2008 Paralympics. Sinundan siya ng silver nina Raymond Martin ng Estados Unidos (55.59) at isa pang Hapon na si Hirokazu Ueyonabaru (59.95) para sa bronze medal.


Pumang-apat si Gianfranco Iannotta ng U.S.(1:00.57) habang pang-lima si Leonardo de Jesus Perez ng Mexico (1:01.66) at pang-anim si Thomas Geierspichler ng Austria (1:02.68). Na-diskwalipika din si Isaiah Rigo ng U.S. sa parehong paglabag.


Nagsumite si Mangliwan ng ika-7 pinakamabilis na oras na 1:03.41 matapos ang dalawang qualifying heats noong umaga Biyernes. Kung hindi lumabag sa patakaran ng karera, magtatapos sana ang Pinoy na ika-lima. Babawi ngayon si Mangliwan sa kanyang dalawa pang nakatakdang karera. Lalaro siya sa 1,500M T52 sa Linggo at 100M T52 sa Setyembre 3.


Sa larangan ng Swimming, lumaban subalit nabitin ang isa pang beteranong Paralympian na si Ernie Gawilan sa 200M Individual Medley SM7 sa Tokyo Aquatics Center. Umoras ng 2:50.49 si Gawilan upang magtapos sa ika-5 sa kanyang qualifying Heat pero kinapos siya ng walong segundo para mapabilang sa walong pinakamabilis na lalangoy sa finals.


Panalo sa Heat at pasok sa finals sina Mark Malyar ng Israel (2:32.86), Inaki Basiloff ng Argentina (2:33.23), Andrii Trusov ng Ukraine (2:34.35) at Rudy Garcia-Tolson ng Estados Unidos (2:39.78). Umabante mula sa pangalawang heat sina Evan Austin ng Estados Unidos (2:35.40), Carlos Daniel Serrano ng Colombia (2:36.11), Christian Sadie ng Timog Aprika (2:36.75) at Pipo Carlomagno ng Argentina (2:42.43) habang na-diskwalipika ang may hawak ng World Record na si Yevhenii Bohodaiko ng Ukraine.


May dalawa pang pagkakataon bumawi ni Gawilan sa kanyang paboritong 400M S7 ngayong Linggo simula 8:00 ng umaga. Susundan ito ng langoy niya sa 100M Backstroke S7 sa Lunes simula din sa parehong oras.


Walang nakatakdang laro ang Pilipinas ngayong Sabado. Gagamitin itong pagkakataon nina Gawilan, Bejino at Mangliwan upang maghanda para sa mabigat nilang kalendaryo sa mga susunod na araw at ituloy ang paghanap sa unang medalya ng Pilipinas.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page