ni Anthony E. Servinio @Sports | September 3, 2024
Nakuntento si Ernie Gawilan sa ika-anim na puwesto sa Men’s 400-M Freestyle S7 Finals ng Paris 2024 Paralympics Swimming sa La Defense Arena. Isang mabigat na paborito magkaroon ng medalya, hindi naulit ni Gawilan ang kanyang malakas na inilangoy sa qualifying at wakasan ang kanyang kampanya.
Umoras si Gawilan ng 5:03.18 upang higitan sina Huang Xiaquan ng Tsina (5:09.53) at Yurii Shenhur ng Ukraine (5:13.31). Linampasan ng Pinoy si Huang makalipas ang 250 metro subalit masyadong malayo na ang mga nangunguna.
Napunta ang ginto kay Federico Bicelli ng Italya sa 4:38.70 at sinundan nina pilak Andrii Trusov ng Ukraine (4:40.17) at tanso Inaki Basiloff ng Argentina (4:40.27). Ang iba pang nagtapos ay sina Evan Austin ng Estados Unidos (4:48.91) at Aleksei Ganiuk ng Neutral Athletes (4:57.66).
Noong qualifying round ay nagwagi si Gawilan sa pangalawa ng dalawang karera at nagsumite ng oras na 5:00.13 at dinaig ang mga medallist Trusov (5:16.03) at Basiloff (5:19.46). Ang oras ng Pinoy ay ang pangatlong pinakamabilis na hinigitan lang nina Austin (4:56.54) at Ganiuk (4:56.68) na nanguna sa naunang karera kasama si Bicelli na pangatlo lang sa 5:06.51.
Naghintay ng walong oras bago bumalik ang mga kalahok sa tubig. Nakahanap ng lakas si Bicelli sa huling 150 metro kung saan siya at si Trusov ay naagaw ang liderato sa biglang bumagal na si Basiloff. Lumahok din sa 200-M Individual kung saan nagtapos siya sa ika-11 at huli sa oras na 2:56.39.
Nakamit ni Basiloff ang ginto sa 2:29.81, pilak kay Trusov sa 2:29.93 at tanso sa isa pang taga-Ukraine Yevhenii Bohodaiko sa 2:33.24. Nakatakdang lumangoy ang isa pang kinatawan ng bansa Angel Mae Otom sa Women’s 50-M Backstroke S5 ngayong Martes simula 4:30 ng hapon. Pagkatapos niyan ay sasabak siya sa 50-M Butterfly S5 sa Biyernes ng 3:53 ng hapon.
Comments