Gastroenteritis outbreak sa Baguio, tapos na — DOH
- BULGAR
- Jan 16, 2024
- 1 min read
ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 16, 2024

Opisyal nang nasugpo ang acute gastroenteritis outbreak sa Baguio City, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Ayon sa datos mula sa Baguio City Health Services Office (CHSO), sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na higit sa 3,000 na indibidwal ang naapektuhan ngunit walang namatay.
“Halos 400 ang talagang merong konsultasyon. Iilan lamang ang na-ospital,” sabi ni Tayag sa isang press briefing.
Iniulat ng CHSO noong Martes na may "steep downward trend" sa bilang ng mga kaso ng self-reported diarrhea cases sa Baguio mula sa 520 noong Enero 8, hanggang sa 13 lamang noong Enero 15.
Sinabi ni Tayag na mula lamang sa mga water refilling station ang mga water sample na positibo sa fecal coliform, samantalang negatibo sa pagsusuri ang pangunahing pinagkukunan ng tubig sa lungsod.
“Nai-report ng city health office sa amin na may na-isolate na virus—ang norovirus and sapovirus. Dito maiintindihan natin kung bakit naka-recover kaagad, sapagkat itong mga virus na ito, naging sanhi ng infection or diarrhea o acute gastroenteritis. Kadalasan bukod sa diarrhea ay nagsusuka at ito’y nakita sa mga pasyente na maaring nakuha sa contaminated water,” paliwanag niya.
Comments