ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 27, 2022
Pinangunahan nina 2021 US Open 9-Ball king Carlo Biado at dating World 9-Ball Championships runner-up Ronald Garcia ang lima-kataong pangkat ng mga Pinoy cue artists na nakapasok sa gitgitang knockout stage ng Predator US Pro Billiards Series: 2022 Alfa Las Vegas Open na nasasaksihan sa Rio All-Suite Hotel and Casino ng Nevada.
Bukod sa dalawa, may tsansa pa rin para sa korona ng torneong nagsisilbi ring panghimagas ng 2022 World 10-Ball Championship sa susunod na linggo sina “The Slayer” Lee Van Corteza, “Superman” Roberto Gomez at Joven Bustamante.
Hindi naging solido ang paglalakbay ni Biado, 2017 World Games gold medalist sa qualifying stage at muntik pa itong mapauwi nang maaga. Matapos ang opening round bye, pinaluhod niya si Mohammad Almuhanna 4-0, 4-2, pero nasipa siya ni Darren Appleton ng Great Britain papuntang losers’ bracket, 1-4, 4-1, 5-4. Pero nakabalikwas ang Pinoy sa pamamagitan ng panalo kontra kay Avinash Pandoy, 4-0, 2-4, 4-3, kaya ito nakausad sa sumunod na yugto.
Kalmante si Garcia sa kanyang kampanya papunta sa knockout stage. Bukod sa bye, dinaig niya sina Billy Thorpe 3-4, 4-2, 2-0, at Ian Castello, 4-2, 4-1. Ganito rin ang kuwento ng mga pagtumbok nina Corteza, Gomez at Bustamante. Sinuwerte si Corteza sa bye bago iginupo sina Daniel Maciol 4-3, 4-0, at Sharik Syed, 4-3, 4-1; bonus na pahinga sa unang round ang natanggap ni Gomez para maging buwelo niya kontra sa kapwa Pinoy na si Edgie Geronimo, 4-0, 4-0, at UK bet Kelly Fisher 4-1, 4-1; samantalang wala ring galaw ang tako ni Bustamante sa round 1 ng qualifiers bago niya pininahan si Ping Han Ko 4-3, 4-3 at Oscar Dominguez 4-1, 4-3.
Mga salpukang Biado - Alexander Kazakis (Greece), Garcia kontra kay Jesus Atencio (Venezuela), Corteza - Nicholas De Leon (USA), Gomez vs. Vilmos Foldes (Hungary), at Bustamante laban kay Shane Wolford (USA) ang susunod na masasaksihan ng mga sumusubaybay na billiards aficionados ng bansa.
Comments