ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 10, 2023
Batid natin ang hirap ng mga doktor sa paglilingkod sa mga maysakit na walang pinipiling oras at panahon lalo na sa ating mga pampublikong pagamutan. Ibinubuhos nila ang kanilang dunong, lakas at karanasan sa paggamot sa ating mga kababayan.
Ngunit, mas mataas pa ang inaasahan mula sa kanila na naninilbihan sa mga ospital ng pamahalaan. Dito, ang mga mahihirap na walang pambayad ay kadalasang nakadepende sa tulong mula sa programa ng gobyerno na Medical Assistance for Indigent Patients o MAIP.
Ang professional fees ng mga doktor na hindi kayang bayaran ng pasyente ay maaari ring punuan ng pondo mula sa MAIP hanggang 50 porsyento ng kabuuan ng hospital bill. Kaya hindi dapat tumanggi ang mga doktor sa garantiya ng gobyerno na tinatawag na guarantee letter o GL bilang katumbas na bayad sa kanilang serbisyo sa naghihikahos na pasyente.
Gaya ng sinabi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa pagdinig ng Commission on Appointments kamakailan para sa kumpirmasyon ni Health Secretary Ted Herbosa, may mga doktor na nagsisilbi sa mga government hospital, ang ayaw tumanggap ng nasabing GL dahil may katagalan pa nila bago makuha ang kabayaran para sa kanilang serbisyo mula sa pamahalaan. Minsan ay inaabot ito ng isang buwan na hindi tulad ng cash mula sa pasyente. At marami pang ibang kadahilanan.
Tumugon si Herbosa na reresolbahin ito ng kanyang departamento sa pamamagitan ng paglalabas ng utos na magbabawal sa mga doktor na accredited ng Department of Health na hindi tumanggap ng GL mula sa gobyerno.
Aalisan rin aniya ng akreditasyon ng DOH ang mga doktor na tatanggi sa GL upang hindi na sila makapanggamot sa mga pampublikong pagamutan. Samantala, para naman maging patas ang sistema sa mga doktor, pabibilisin rin naman umano ang sistema ng MAIP para matanggap kaagad ng mga doktor ang bayad sa kanila.
Para sa marami nating mahihirap na maysakit, malaking bagay ang ayuda ng pamahalaan sa mga bayarin nila sa ospital at doktor na umaabot ng daan-daang libo kadalasan.
Mahirap man ang ginagawang paglilingkod ng mga doktor sa mga ospital ng gobyerno, lalong mahirap ang maging pasyente na kapos na kapos sa pambayad, pati na sa pambili ng gamot at pangangailangan.
Kaya umaasa tayong hindi na papayagan ang mga doktor sa pampublikong pagamutan na tumanggi sa garantiyang papel na bayad ng gobyerno na hindi naman pumapalya at mayroong pondo. Sapagkat karapatan ng ating mga kababayan ang malapatan ng pangangalagang pangkalusugan sa ilalim ng ating Konstitusyon. Lingapin at pagmalasakitan natin ang mga maysakit!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Kung may mga doktor sa mga pampublikong pagamutan na tinatanggihan ang guaranty letter mula sa gobyerno, ibig sabihin, wala silang tiwala sa mismong gobyernong nagtayo at nagpopondo sa lahat ng pagamutang pampubliko. Kaya dapat lamang na tanggalin ang kanilang accreditation. Hindi dahilan na matagal bago sila mabayaran sapagka't tiyak namang mababayaran sila.