top of page
Search
BULGAR

Ganda at kalidad ng pelikulang Pilipino, ipagmalaki natin

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 5, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Talaga namang maipagmamalaki natin ang ganda at kalidad ng mga pelikulang Pilipino lalo na ang mga kalahok sa Metro Manila Film Festival 2024, ang ika-50 edisyon ng MMFF na ipinalalabas pa sa mga sinehan hanggang January 7. 


Isang malaking suporta sa lokal na industriya ang bawat ticket na binibili natin. Sa mga hindi pa nakanood, habol na po! Nananawagan ako na tangkilikin ang sariling atin! 


Ang MMFF ay isang mahalagang tradisyon na nagpapakita ng talento ng ating mga Pilipino sa sining ng pelikula. Isang pagkakataon din ito na makapiling ang ating pamilya ngayong nakabakasyon ang karamihan sa atin. 


Ang bawat pelikula sa MMFF ay bunga ng dugo, pawis, at pagmamahal sa sining ng mga gumawa nito. Suportahan natin ang mga likha ng mga kababayan at buhayin ang mga obra na sumasalamin sa kultura ng ating bansa. 


Ang inyong Senator Kuya Bong Go ay anim na taon nang miyembro ng MMFF Executive Committee. Inirekomenda rin natin noon ang pagdaraos ng festival dalawang beses sa loob ng isang taon kaya nagkaroon ng Summer Film Festival na naantala lang nang nagkaroon ng pandemya noong 2020. Kung kakayanin, sana ay mapalakas pa lalo ito.


Naniniwala tayo na ang inisyatibang ito ay makalilikha ng mas maraming oportunidad para sa ating filmmakers, mga artista at iba pang manggagawa sa movie industry dahil exclusive sa lokal na pelikula ang palabas sa mga sinehan sa panahon ng festival. 


Bukod sa ating inisyatiba na mapalaganap ang pelikulang Pilipino, patuloy nating isinusulong sa Senado ang mga panukalang batas na magpapaangat maging sa kalagayan ng mga manggagawa sa media and entertainment industry. Naisabatas na ang Eddie Garcia Law, na isa tayo sa co-author at co-sponsor. Layunin nitong mabigyan ng sapat na proteksyon at benepisyo ang mga manggagawa sa film and television industry. Ito ay ipinangalan sa yumaong aktor at direktor na si Eddie Garcia, na isa sa mga artistang ating hinahangaan.


Isinusulong din natin sa Senado ang aking nai-file na Senate Bill No. 1183, o ang Media and Entertainment Workers Welfare Bill. Layunin nito na magkaloob ng karagdagang proteksyon, seguridad at insentiba sa media workers sa Pilipinas — nasa radyo man sila, print, TV o pelikula. Hindi natin pinababayaan ang ating mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong sa kanilang seguridad at tamang benepisyo.


Muli, ipinaaabot natin ang pagbati sa mga nagwagi sa parangal. Higit sa award, ang aral at saya na naihatid ninyo sa mga nakapanood ng inyong mga obra ang pinakamalaking achievement na bunga ng inyong pagiging malikhain. Patuloy akong susuporta sa industriya ng pelikula at sa lahat ng mga manggagawa nito. Sama-sama nating buuin ang mas makulay at matagumpay na kinabukasan ng pelikulang Pilipino.


Tuluy-tuloy din tayo sa pagseserbisyo para sa kapakanan ng bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap. Ngayong 2025, mas paiigtingin natin ang ating mga adbokasiya lalo na pagdating sa kalusugan ng mga Pilipino. Bago nagpalit ang taon, patuloy tayo sa pagtulong sa mga kababayan natin sa iba’t ibang panig ng bansa. 


Bilang isang adopted son ng Taal at ng lalawigan ng Batangas, bumisita tayo roon noong December 28 at sinaksihan ang blessing ng Integrated Rural Health Center na magsisilbing Super Health Center ng bayan. Nagbigay din tayo ng dagdag na suporta sa mga health worker at mga kapwa natin Batangueño roon. 


Matapos iyon, bumalik ako sa Davao City upang personal na dumalo sa 25th Alumni Homecoming ng Pablo Lorenzo National High School. Naging kinatawan ko naman ang aking kaibigan na si Phillip Salvador sa Alumni Homecoming ng Panabo City National High School. 


Binisita natin noong December 31 ang mga pasyente at kanilang mga bantay sa Bahay Pahulayan sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City. Tulad ng ating nakagawian sa mga nagdaang taon, muli tayong bumisita upang personal na kumustahin ang mga bantay at pasyente roon at mag-abot ng kaunting tulong sa kanila. Sa ganitong paraan, maipapadama ko sa kanila ang aking suporta, malasakit at serbisyo sa abot ng aking makakaya. 


Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong at naalalayan natin ang 630 residente ng Malita, Davao Occidental na naapektuhan ng pagbaha.

Nagbigay din tayo ng tulong sa 54 displaced workers sa Calinog, Iloilo kasama si Vice Mayor Anthony Gustilo, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. 


Nagbigay naman tayo ng suporta at nakiisa sa ginanap na National Capital Region Transport Leaders meeting sa Pasay City; sa Anak ng Manggahan Lingkod Bayan Family Christmas Party sa Pasig City kasama si Barangay Captain Quin Cruz; sa medical mission sa Parañaque City kung saan natulungan natin ang tinatayang 800 TODA drivers at kanilang mga pamilya katuwang si Konsehal Raffy Apiong dela Peña; at sa Sison, Pangasinan Coordinators Christmas Party and Reunion sa paanyaya ni Mayor Danny Uy.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong susuporta sa iba’t ibang sektor at magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page