top of page
Search
BULGAR

Ganado na ang U-23 Azkals, naisahan ang T. Leste sa SEAG

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 8, 2022



Tinambakan ng Pilipinas ang Timor Leste sa Men’s Football, 4-0, sa pagsisimula ng aksiyon sa 31st Southeast Asian Games Biyernes nang gabi mula sa Viet Tri Stadium sa Phu Tho, Vietnam. Dahil sa malaking panalo, todo-ganado na ang Azkals papasok sa mahalagang laban ngayong araw ng Lunes kontra sa host at defending champion Vietnam sa parehong palaruan, simula 8:00 ng gabi, oras sa Pilipinas.


Bitbit ang sariwang alaala ng mga hindi magandang resulta sa kanilang mga nakalipas na tapatan sa Timorese, naglaro nang agresibo ang Azkals at nagbunga ito ng maagang goal ni Christian Rontini sa ika-11 minuto. Tumanggap ng bola si Rontini mula sa free kick ni kapitan Stephan Schrock at inulo ito papasok sa goal.


Patuloy na pumukpok ang mga Filipino sa second half at dumating ang pangalawang goal, salamat kay Dennis Chung sa ika-56 minuto. Isa pang beterano na si Jovin Bedic ang nagparamdam at lalong pinalayo ang Azkals sa ika-78 minuto galing sa assist ni reserba Lance Ocampo.


Hindi pa kuntento ang Pilipinas at humirit ng pang-apat na goal si Oskari Kekkonen sa ika-81. Kahit lumalapit sa goal ay ipinasa pabalik ni Oliver Bias ang bola sa humahabol na si Kekkonen para sa malakas na sipa na hindi naharang ni goalkeeper Junildo Perreira.


Sa isa pang laro, nagwagi ang Vietnam sa 2019 silver medalist Indonesia, 3-0, sa likod ng mga goal sa second half nina Nguyen Tien Linh (55’), kapitan Do Hung Dung (74’) at Le Van Do (88’).


Pansamantalang hawak ng Pilipinas ang liderato sa Grupo A dahil mas marami silang goal kumpara sa Vietnam. Bago ang laro sa Timor Leste, mataas ang paniniwala ni Coach Norman Fegidero na may pag-asa na pumasok ang Azkals sa semifinals kung gagamiting batayan ang nakita niya sa kanilang ensayo at paano nabubuo ang samahan ng mga manlalaro.


Huling nakapasok sa semis ang Pilipinas sa semis noong 1991 SEA Games sa Rizal Memorial Stadium kung saan naglaro ang ngayon ay 52-anyos na si Fegidero.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page