ni Lolet Abania | September 2, 2020
Nagdulot ng takot sa mga residente ng Maynila ang nagkalat na gamit nang rapid test kits sa Barangay 453, Dela Fuente corner Loyola Streets, Sampaloc Manila, kagabi, Martes.
Agad na rumesponde ang lokal na pamahalaan ng Manila sa sumbong at inutusan ni Mayor Isko Moreno na linisin ang nagkalat na gamit na rapid test kits sa lugar, na sinasabing nanggaling sa isang magbabasura na nagbibisikleta mula sa Espana.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Usec. Benny Antiporda, dapat na maging maingat at responsable ang lahat sa pagtatapon ng basura, lalo na pagdating sa ganitong bagay.
“May treatment storage at disposal facilities na pinaglalagyan ng hazardous waste. Mayroon kaming ipinamamahaging mga kulay na trash bin para i-identify as household health care waste,” sabi ni Antiporda.
Gayunman, inaalam pa ng awtoridad kung saan nanggaling ang mga gamit na rapid test kits na nagkalat sa kalsada.
“Aalamin natin kung ano ang pinakamalapit na kumpanya sa lugar na gumagamit ng rapid test kits. Titingnan din natin kung may pananagutan ang barangay sa nangyari,” sabi pa ni Antiporda.
Comments