top of page
Search
BULGAR

Gamit ang SSS Mobile App, puwede na mag-apply ng salary loan!

@Buti na lang may SSS | September 27, 2020


Dear SSS,


Nais ko sanang mag-apply ng salary loan sa SSS. Maaari bang mag-apply ng loan gamit ang SSS Mobile? – Tina


Sagot


Mabuting araw sa’yo, Tina! Lubhang napapanahon ang iyong katanungan sapagkat maraming miyembro ng SSS sa ngayon ay nangangailangan ng dagliang tulong-pinansiyal. At isa sa mga kilalang programang pautang na may siguradong agarang tugon dito ay ang SSS Salary Loan.


Bilang bahagi ng kampanyang “ExpreSSS Services” ng SSS, maaari na muling magamit ang SSS Mobile App upang mag-apply ng salary loan. Tiyakin mo lang na updated ang version na nasa iyong smartphone. Dapat kusa nang nag-update ang iyong naka-install na SSS Mobile App. Subalit kung hindi pa ito nag-update, magtungo ka lang sa App Store, Play Store o Huawei App Gallery upang i-click ang update button. Kung sakali na walang update button, ipinapayo naming tanggalin mo muna ang iyong SSS Mobile App at i-install mo ito ulit.


Matapos nito ay mag-log in ka sa iyong account at i-tap mo ang “My Loans.” Sunod ay i-tap mo naman ang “Apply For Salary Loan” at makikita mo rito kung magkano ang halaga na maaari mong utangin. Makikita mo rin ang Payment Mode o kung paano mo matatanggap ang iyong utang. Kinakailangan na naka-enroll ang iyong bank account sa SSS Disbursement Account Enrolment Module sapagkat dito na papasok ang iyong inutang.


Sunod, i-click mo ang “I agree to the Terms of Service” at “Accept.” Pagkatapos nito, i-click mo ang “Proceed” o “Cancel” kung hindi mo nais ipagpatuloy ang aplikasyon. Ipakikita sa screen ang Disclosure Statement ng iyong salary loan at maaari mo itong mai-download bilang PDF file sa pamamagitan ng pag-click sa “Download.” Kapag may kopya ka na ng iyong Disclosure Statement, i-click mo na ang “Submit.” Kung ikaw ay isang empleyado, makatatanggap ang iyong employer ng notice sa kanyang registered e-mail address na kinakailangan i-certify ang iyong salary loan application gamit ang kanyang SSS web account para ito ay maaprubahan.


Patuloy na sinisikap ng SSS na gawing mas madali at mas mabilis ang mga transaksiyon gamit ang iba’t ibang makabagong pamamaraan.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page