top of page
Search
BULGAR

Game-fixing sa basketball, talupan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 10, 2024


Bilang inyong lingkod, palagi kong ineengganyo ang mga kabataan na makilahok sa sports dahil malaking parte ito sa paghubog ng ating isip at katawan para maging mga produktibong mamamayan. 


Dito natututunan ang kahalagahan ng disiplina, teamwork, camaraderie at sportsmanship. Isa rin itong paraan para mailayo ang mga kabataan sa bisyo. Kaya lagi kong payo: Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit. 


Kaya naman nakakabahala kung maging sa sports ay may pananamantala at pandarayang nangyayari. Bilang chair ng Senate Committee on Sports, hindi tayo papayag na madungisan ang mga larong ating sinusuportahan at tinatangkilik, at ayaw rin nating masira ang imahe ng mga atletang iniidolo ng ating mga kabataan. 


Kaya nagpatawag tayo ng pagdinig sa Senado noong February 7 para talakayin ang isyu ng naiuulat na game-fixing sa mga liga ng basketbol. Ang layunin ng pagdinig ay para suriin ang mga panukalang inihain sa Senado na magpapaigting ng mga batas laban sa game-fixing. 


Bilang sports enthusiast at basketball aficionado, kinokondena ko ang ganitong gawain.


Sabi ko nga sa mga dumalo sa pagdinig, kung mahaluan ng anomalya, pandaraya at korupsiyon ang kahit na anong sport, madudungisan na ang larong nais nating lahukan at ine-enjoy ng mga kabataan. Mawawala na ang integridad ng laro kapag nahahaluan ng kalokohan. 


Dapat mapanagot ang mga taong nagsasamantala sa pagiging passionate ng mga Pilipino sa sports. Huwag dapat pagkakitaan ang hirap at pawis ng ating mga atletang gusto lamang gamitin ang kanilang talento upang iangat ang kabuhayan nila. Biktima rito, hindi lang ang mga manonood, kundi pati na rin ang ating mga atletang tapat sa laro. 


Sa anumang gawain, importante ang integridad. Kapag nandaya ka, para mo na ring dinadaya ang sarili mo. Sa laro man o sa pang-araw-araw na buhay natin, mas maganda ang resulta kung ito’y ating tunay na pinaghirapan at pinagpawisan. 


Kaya hindi naman tayo tumitigil sa pagtulong sa ating mga kababayan nasaan man sila sa ating bansa. Patuloy ang aking pagseserbisyo at pagtulong sa kapwa sa abot ng aking makakaya. 


Bilang adopted son ng CALABARZON, nasa Morong, Rizal tayo noong February 8 at binisita ang bagong tayong public market kasama sina Gov. Nina Ynares, Vice Gov. Junrey San Juan, Mayor Sidney Soriano at iba pang local officials ng naturang bayan. Ang naturang proyekto ay naisulong sa ating kapasidad bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Nagpapasalamat ako sa bayan sa pagdeklara sa akin bilang adopted son ng Morong. 


Sa pagbisita ko roon, pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 936 mahihirap na estudyante ng Morong, Cardona at Teresa, sa Rizal pa rin. Matapos ito, dumiretso tayo sa Maynila para bigyan ng tulong ang 435 residente ng Sta. Cruz na naging biktima ng sunog kamakailan.


Sa araw ding iyon, sinaksihan ng aking tanggapan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Binalbagan, Negros Occidental, gayundin ang isa pang itatayo sa Sindangan, Zamboanga del Norte. Kahapon, February 9, ginanap naman ang turnover ceremony ng bagong Super Health Center sa Pigcawayan, Cotabato. Idinaos din ang inagurasyon ng Cardiac Catheterization Laboratory sa Mindanao Heart Institute sa SPMC Davao. Ilan ang mga ito sa ating mga ipinaglaban upang ilapit ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan. 


Natulungan naman ng aking Malasakit Team ang 41 biktima ng sunog sa Brgy. Sangali, Zamboanga City; at ilang pamilyang apektado ng baha sa Brgy. Guadalupe, Carmen, Davao del Norte katuwang ang Fraternal Order of Eagles. 


Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 400 sa Tagum City katuwang si Vice Governor Oyo Uy; at ang 228 sa Ormoc City katuwang si Mayor Lucy Gomez. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.

 

Nakatanggap ng tulong mula sa amin, ang ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.


Hindi ako titigil sa aking adhikain na matulungan sa abot ng aking makakaya ang ating mga kababayan at maproteksyunan sila laban sa mga nagsasamantala. Patuloy akong magseserbisyo para mabigyan ng oportunidad ang bawat Pilipino na magkaroon ng mas ligtas at maayos na buhay, lalo na ang mga mahihirap at pinakanangangailangan. 


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page