ni ATD - @Sports | December 6, 2020
Tuluyan ng wala sa isipan at takot ang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra Gin Kings sa isyung coronavirus (COVID-19) na namiminsala sa buong mundo.
Sapagkat nakatutok ang last two teams sa PBA bubble sa kanilang best-of-seven series ng Philippine Cup.
Lamang sa serye ang Gin Kings, 2-1, yumuko sila sa Game 3 nang tambakan sila ng Tropang Giga, 67-88 noong Biyernes ng gabi sa Clark Giga City, Pampanga.
Pakay ng Barangay Ginebra na sikwatin ang naudlot na pangatlong panalo ngayong alas-6 ng gabi upang mamuro sa pagsilo ng kampeonato.
Muling huhugot ng puwersa si GSM head coach Tim Cone kina Stanley Pringle, LA Tenorio, Japeth Aguilar at Scottie Thompson upang mabingwit ang inaasam na panalo.
Pero tiyak na sasandalan ng Tropang Giga ang momentum upang makatabla sa serye at manatiling malakas ang tsansa na makopo ang korona.
Naging instrumento ng TNT sina Troy Rosario at RR Pogoy sa panalo nila sa Game 3 kaya asahang ibabala ulit sila sa Game 4. "Happy ako ibang Troy Rosario ang naipakita ko ngayon," masayang sabi ni Rosario pagkatapos ng kanilang panalo.
Nagtala si Rosario ng 15 points, tatlong rebounds at dalawang blocks.
Samantala, aalog-alog na lang sila sa loob ng bubble dahil nakauwi na ang lahat ng mga naligwak na teams kaya mas ligtas na sa mapanganib na COVID-19.
Tinitiyak ng PBA na hindi na mauulit na nagpositibo ang referee at player ng Blackwater Elite sa coronavirus kaya mahigpit na ipinatutupad ang health protocols.
Kapansin-pansin na kahit nasa kalagitnaan ng bakbakan ay nakasuot ng facemask ang coach at players na nasa bench, patunay lang na nag-iingat din sila para hindi basta makapitan ng COVID-19.
Comments