ni Lolet Abania | December 1, 2021
Tatlong biyahero na dumating sa bansa mula sa South Africa noong nakaraang linggo ang kasalukuyang isinailalim sa quarantine sa Negros Occidental.
Ayon sa Negros Occidental provincial government, ang tatlong dayuhan na mga consultants ng isang power firm ng isang probinsiya ay dumating sa bansa ilang araw bago ipatupad sa Pilipinas ang travel ban sa South Africa.
Dumating ang dalawang foreigners sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Nobyembre 24 at lumipad patungong Negros Occidental ng sumunod na araw.
Ang ikatlong foreigner ay dumating naman sa bansa noong Nobyembre 26.
Matatandaang pansamantalang ipinagbawal ng Pilipinas ang inbound international flights na mula sa South Africa, Botswana, at iba pang mga bansa na may local cases o mga hinihinalang may kaso ng Omicron variant, kung saan unang na-detect sa southern Africa. Ang temporary measure ay inanunsiyo ng gabi ng Nobyembre 26.
Inatasan naman ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ng Negros Occidental ang lokal na gobyerno na i-trace ang mga naturang dayuhan.
“We traced them and they were isolated as part of the company’s policy once you arrive from travel abroad, you are not yet allowed to join the work force,” ani Negros Occidental provincial administrator Rayfrando Diaz II.
Ayon kay Diaz, ang tatlong dayuhan ay hindi na lumabas ng kanilang bahay nang dumating ang mga ito sa probinsiya.
“They went directly to their staff houses,” sabi ni Diaz. Gayundin, sinabi ng lokal na gobyerno na ang mga foreigners ay fully vaccinated na kontra- COVID-19 at nakapagbigay ng negative RT-PCR test results bago dumating sa bansa.
“There is no reason for us to fear that a virus has already been transmitted from South Africa to Negros Occidental,” saad ni Diaz.
, ang mga dayuhan ay sasailalim pa rin sa RT-PCR tests sa Huwebes habang nananatili na nasa quarantine. Nagsagawa na rin ang mga awtoridad ng contact tracing.
Sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na kung ang RT-PCR tests ng mga naturang dayuhan ay magpositibo, ang kanilang samples ay ipapadala sa Philippine Genome Center upang madetermina kung tinamaan ang mga ito ng Omicron variant.
Para maiwasan ang posibleng pagkalat ng Omicron variant, ayon sa Bureau of Quarantine (BOQ) tinatayang nasa 63 Pilipino mula sa red list countries o lugar na nasa high risk ng COVID-19 transmission ay ipinasok na rin sa quarantine facilities.
Sinabi naman ng DOH na wala pang naitalang Omicron case sa bansa. “Just to be clear, no detection yet of omicron. We are still processing [the] next batch of whole genome sequences,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang mensahe sa mga reporters.
Comments