Galing ng atletang Pinoy sa makasaysayang Olympics
- BULGAR
- Aug 11, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 11, 2021
Tuluyan nang nagtapos noong Linggo ang Tokyo 2020 Games na idineklarang ‘most challenging Olympic journey’ dahil sa isang taong pagkakaantala at pagdaan sa mga banta ng kanselasyon dulot ng pandemya.
Ngunit ang naturang Tokyo Olympics ay maituturing na pinakamaganda at pinakatagumpay sa loob ng 97 taong pakikilahok ng Pilipinas dahil sa wakas ay binago ng atletang Pinoy ang ating landas sa palakasan at ngayon ay nakaukit na tayo sa kasaysayan.
Ang napakahabang panahong pananabik ng bawat Pilipino na magkaroon tayo ng medalyang ginto sa Olympics ay ating nakamit matapos na matugunan ng ating mga bayaning atletang nagbuwis ng dugo at pawis para lamang sa dating napakailap na karangalan.
Hindi lamang ginto ang ating naiuwi dahil may karagdagan pa itong dalawang silver at isang bronze medal dahilan upang makamit natin ang highest ranking country sa buong Southeast Asia. Ito rin ang pinakamaraming medalyang ating napanalunan mula 1932.
Si Carlo Paalam na kahit naunahan sa unang round ng pakikipagbakbakan kay Galal Yafai ng Great Britain ay nakuha pa ring lumaban hanggang sa huli, ngunit bahagya na itong kinapos ng kapalaran ngunit nasungkit pa rin ang silver medal.
Tinutukan ng marami nating kababayan ang laban ni Paalam at nakuha nito ang simpatya ng maraming Pilipino dahil mula sa pagiging basurero ay nakuha niyang tumayo upang makapag-uwi ng karangalan sa bansa.
Sa Kasumigaseki east course, hindi binitawan ni Yuka Saso ang ating bandila mula sa 47th place binuno niya ng todo at tumalon ng 38 posisyon para matapos sa 9th place na nagpamangha sa lahat dahil sa sunud-sunod na markadong hataw ng eagle at apat na birdies sa huling pitong butas.
Tumabla itong si Saso sa anim na puwestong pangsiyam sa natapos nitong Sabado na women’s golf individual at nitong Linggo ng gabi sa 32nd Summer Olympic Games 2020+1 sa Tokyo, Japan.
Mula rito ay agad na lulusob itong si Saso sa Europe upang muling pumalo sa 72nd Ladies Professional Golf Association 2020 21st leg US$1.5M (75M) 5th Trust Golf Women’s Scottish Open sa Fife, Scotland sa Aug 12 hanggang 15.
Nabigo man ang 'Pinas na muling masungkit ang ikalawa sanang gintong medalya ay hindi naman nating malilimutan ang ika-apat na araw ng kumpitisyon nang masungkit ni Hidilyn Diaz ang gold medal sa women’s 55-kg sa weightlifting.
Si Nesthy Petecio na isa rin sa tinutukan ng ating mga kababayan ay sinasabi ng mga eksperto sa larangan ng boksing na mas maganda ang ipinakita niyang laban kumpara sa kaniyang nakatunggali na panay yakap lamang ang ginawa ngunit higit na kinatigan ng kapalaran.
Magkagayun man ay napakatamis pa rin ng naging tagumpay na ito ni Petecio na bukod sa pagbubunyi ng kaniyang mga kaanak at mga kalugar ay buong giting din siyang ipinagmamalaki ng ating bansa na nag-uwi ng silver medal.
Malaking ambag din ang ginawang pagsisikap ni Eumir Marcial na nakipagbakbakan sa men’s middleweight division ngunit sadyang mailap ang medalyang ginto ngunit naiuwi naman niya ang bronze medal kasabay ng kaniyang pangakong pagbubutihin pa niya sa susunod na Olympic kung papalarin pang makasama.
Kung ating gugunitain ay itong si Jose Villanueva ang kauna-unahang nag-uwi ng bronze medal sa ating bansa mula sa Los Angeles noong 1932 at nasundan ito ng kaniyang anak na si Anthony na una namang nag-uwi ng silver medal mula sa Tokyo noong 1964.
Si Leopoldo Serrantes ay nakapag-uwi rin ng bronze medal noong 1988 mula naman sa Seoul at si Rhoel Velasco ay nakatangay din ng bronze mula sa Barcelona noong 1992 bago pa ito nasundan ng ikalawa nating silver na naiuwi naman ni Onyok Velasco mula sa Atlanta noong 1996.
Hindi rin natin dapat malimutan ang pagsisikap ng iba pang Tokyo Olympians na sina Elreen Ando (weightlifting), Kurt Barbosa (taekwondo), Margielyn Didal (skateboarding), Luke Gebbie at Remedy Rule (swimming), Kristina Knott at Ernest John Obiena (athletics), Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan (parehong golf), Jayson Valdez (shooting), Kiyome Watanabe (judo) at Carlos Yulo (gymnastics) at ang boksingerong si Irish Magno.
Kabilang sila sa nakipagdigma para iwagayway ang ating bandila upang maabot natin sa kauna-unahang pagkakataon ang ika-50 puwesto sa overall na lubhang napakalayo sa ating 0-0-0- tallies na ating iminarka sa nagdaang limang Olympiads mula sa 2000 sa Sydney hanggang sa London noong 2012.
Dahil dito ay nakatakda ring tumanggap ng P500,000 bawat isa ang mga non-Olympic medalists mula sa pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) at iba pang nais magbigay ng pabuya sa kanilang kagitingan.
Sana ang tagumpay nating ito ay magsilbing kislap sa madilim na pinagdaanan natin sa larangan ng palakasan at tuluyan nang magliwanag upang mas marami pang medalya ang ating maiuuwi sa mga susunod pang kumpitisyon.
Sa mga bayaning atletang Pilipino, mission accomplished!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments