ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021
Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na isagawa sa ika-7 o ika-8 araw ang pagkuha ng COVID-19 test sa mga biyaherong dumarating sa bansa, sa halip na kunin iyon sa ika-5 araw na unang ipinatupad, batay kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Aniya, “That’s why we are revising again our protocol… We want to be sure that we get to identify all of these travelers coming in accurately so that we can isolate properly and we can break the chain of transmission, but this is still for approval in the IATF.”
Kaugnay ito sa naobserbahang hindi nasusunod o nakukumpletong mandatory 14-day quarantine ng isang biyahero pagkarating sa kanyang local government unit (LGU) na itinuturong dahilan kaya nagiging mabilis ang hawahan ng virus.
Paliwanag pa ni Vergeire, “We have seen that there are lapses in this kind of protocol that’s why we are revising so that we can have stricter border control especially now that there are different variants.”
Sa ngayon ay pumalo na sa 1,075 cases ang nakapasok na South African variant ng COVID-19 sa bansa. Tinatayang 948 naman ang nagpositibo sa United Kingdom variant, habang nananatili pa rin sa 2 ang Brazilian variant. Samantala, 157 na ang nagpositibo sa P.3 variant o ‘yung COVID-19 variant na na-develop sa ‘Pinas.
Patuloy pa rin namang pinagbabawalang makapasok sa bansa ang mga biyahero galing India upang maiwasan ang Indian variant.
Comments