ni GA @Sports | November 1, 2023
Mga laro sa Huwebes
(Santa Rosa Sports Complex)
2:00 n.h. – PLDT vs NXLed
4:00 n.h. – Choco Mucho vs Galeries
6:00 n.g. – F2 Logistics vs Petro Gazz
Matutulis na hambalos ang pinakawalan nina Jema Galanza at Michele Gumabao upang pagbidahan ang ika-apat na panalo at solong liderato para sa Creamline Cool Smashers matapos matakasan ang masigasig na Farm Fresh Foxies sa 25-21, 21-25, 25-20, 25-22, habang sumakay sa matinding hataw ni Eya Laure ang Cherry Tiggo Crossovers upang madaling sagasaan ang Quezon City Gerflor Defender sa pamamagitan ng straight set 25-8, 25-12, 25-20, kahapon sa magkasunod na laro ng triple-header game ng 6th Premier Volleyball League 2nd All Filipino Conference sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sinandalan ng Creamline ang kanilang opensiba at mga atake upang malampasan ang pahirapang panalo kontra sa naghahanap ng unang panalo na Farm Fresh na kinakitaan ng sandamakmak na 30 errors para sa defending champions upang makuha ang magandang panimula sa 4-0 kartada, habang lalong hinila sa ilalim ng team standings ang Foxies tangan ang 0-5 rekord.
Bumira ang 2019 Open Conference MVP ng double-double sa kabuuang 18 puntos mula sa 15 atake, dalawang aces at isang block, kasama ang 10 excellent digs, habang nanguna naman sa puntusan si Gumabao na muling lumista ng 20 puntos mula sa 18 atake at dalawang blocks, gayundin sina Diana Mae “Tots” Carlos na may 14 puntos at walong receptions at Bernadeth Pons sa siyam, habang may ibinahaging 17 excellent sets si Kyle Negrito at dalawang puntos.
“Yung errors namin masyadong marami, talagang hindi maganda yung nilaro namin, pero yung Farm Fresh talagang promising sila talaga, kaya sabi ko sa team na hindi sila basta-bastahin kase may potential yung team nila, talagang lalaban at lalaban sila,” pahayag ni head coach Sherwin Meneses.
Comments