ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 24, 2021
Pinagkalooban na ng provisional authorization ang paggamit ng COVID-19 breathalyzer test sa Singapore na naglalayong malaman kung positibo sa Coronavirus ang isang indibidwal sa loob lamang ng isang minuto.
Ayon sa spin-off company mula sa National University of Singapore na Breathonix, nakipag-ugnayan na sila sa health ministry upang magsagawa ng deployment trial sa naturang breathalyzer.
Ang breath analysis ay isinasagawa kalakip ng confirmatory polymerase chain reaction (PCR) COVID-19 swab test.
Ayon sa nasabing kumpanya, ang breath test ay mahigit 90% accurate sa isinagawang Singapore-based pilot clinical trial noong nakaraang taon.
Ang naturang device ay gumagamit ng disposable mouthpiece upang maiwasan ang cross-contamination at matapos itong hipan, ina-assess nito ang chemical compounds mula sa hininga upang malaman kung positibo sa COVID-19 ang isang indibidwal.
Kung positibo ang resulta, isasailalim ang pasyente sa confirmatory PCR COVID-19 swab test.
Samantala, ayon sa Breathonix, nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang local at overseas organizations na nais gumamit ng breathalyzer test.
Comments