ni Gerard Peter - @Sports | July 20, 2021
Ayaw na muling maulit pa ang naging pagkakamali noong nakalipas na laro ng JPS Zamboanga City kung kaya’t kumamada ang mga beteranong manlalaro upang kunin ang 85-75 panalo kontra Misamis Oriental Brew Authoritea sa unang laro kahapon ng Mindanao division sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Plaza Luz Gymnasium sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Umariba ng husto si five-time PBA champion Jerwin Gaco ng rumerhistro ito ng 24 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang JPS Zamboanga sa kanilang ikatlong panalo at makabawi sa masaklap na pagkabigo nitong nagdaang linggo kontra sa Petra Cement-Roxas Vanguard, 69-71.
Tumulong din sa 40-anyos na multi-titlist na kampeon sa halos nilahukang liga na PBL, ABL at MPBL, sina veterans Gabby Espinas na tumikada ng 14 pts, habang nagsipag-ambag sina Aaron Jeruta, Med Salim at NCAA champion Fran Yu ng kabuuang 31 puntos para sa 3-2 kartada.
May malaking 14-point lead ang JPS sa pagpasok ng 4th period, nang unti-unting tapyasin ng MisOr ang kalamangan mula sa pagtutulungan nina JR Cawaling, Francis Munsayac, Reil Cervantes, Andrew Estrella, Ronjay Buenafe at Mac Baracael ang kalamangan sa 4 na puntos, 79-75 sa 1:33 ng laro. Ngunit muling nagtulong sina Gaco at Espinas para ikonekta ang isang follow up layup at 3pt shot sa nalalabing 40 segundo upang siguraduhin ang panalo para sa Zamboanga City.
“After our loss yesterday, Jerwin talked to the team to lift their spirits up,” wika ni JPS Zamboanga head coach Tony Pardo kasunod ng pagkatalo nitong linggo sa isang masakit na buzzer-beater laban sa Roxas. “He really led by example today.”
Namuno sa iskoring sa panig ng MisOr si Joseph Sedurifa sa 16 pts habang nagbigay tulong rin sina Estrella na may 13 pts at Baracael, 10pts.
Sunod na kakaharapin ng JPS Zamboanga ang Iligan City Archangels sa Biyernes, Hulyo 23 para sa 1st game, habang haharap ang Brew Authoritea vs. Pagadian City Explorers ngayong Martes, sa unang laro ng 2 p.m.
Comments