ni Gerard Peter - @Sports | May 29, 2021
Tatlong Filipino national boxers na lamang sa pangunguna ni Tokyo Olympics bound Eumir Felix Marcial ang natitirang may tsansang makakopo ng gintong medalya sa 2021 ASBC Asian Elite Men and Women’s Boxing Championships sa Grand Ballroom ng Le Meridien Hotel sa Dubai, United Arab Emirates, matapos malaglag sa kanyang semifinal battle si dating AIBA world champion Josie Gabuco.
Nabigo ang 34-anyos na five-time Southeast Asian Games gold medalist na makalusot sa kanyang laban kay Gulasal Sultonalieva ng Uzbekistan, 1-4, Huwebes ng gabi, gayunpaman, nakasisiguguro na ito ng tansong medalya sa women’s light-flyweight category.
Isa sa mga paborito ang 2012 Qinhunagdao World championships titlist na makakapasok sa finals match ng under48kgs, ngunit pumalya itong maidepensa ang 2019 edisyon na ginanap sa Bangkok, Thailand, habang naputol ang winning run nito kasunod ng gold winning performance sa nakaraang 2019 Manila SEA Games.
Susubukang makamit ng 25-anyos na si Marcial ang titulo para sa kanyang unang gintong medalya ngayong taon sa amateur fight, matapos magwagi sa kanyang unang professional bout noong isang taon kay Andrew Whitfield via 4-round unanimous decision sa middleweight class.
Huling beses nagkampeon si Marcial sa amateur ranks noong Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament sa Amman, Jordan nung Marso, 2020. Ngunit kinakailangan munang talunin ng Lunzuran, Zamboanga City native si Jafarov Saidjamshid ng Uzbekistan, na nagawa namang gulatin si no. 4 seed Omurbek Bekzhigit Uulu ng Krygyzstan sa quarterfinals.
Sasabak din sina light-flyweight Mark Lester Durens at bantamweight Junmilardo Ogayre sa kani-kanilang semifinal duel upang maitulak ang gold medal na kampanya.
Tatapatan ng 20-anyos na si Durens na sasabak sa unang overseas fight si Daniyal Sabit ng Kazakhstan sa 48 kgs division, habang makikipagbuntalan si Ogayre sa men’s 56 kg class kay top seed Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan.
Comments