ni Gerard Peter - @Sports | December 20, 2020
Sisimulan ng tahakin ni Filipino undefeated at Sanman promotions boxer Reymart “Assassin” Gaballo ang isang daan patungo sa lehitimong title shot sa pakikidigma laban kay dating IBF bantamweight titlist Emmanuel “El Matador” Rodriguez ng Puerto Rico sa main event ng Showtime Boxing Championship at Premier Boxing Champions, sabado ng gabi (linggo ng umaga sa Pilipinas) sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut sa Estados Unidos.
Tangan ang malinis na kartada sa 23-0 at pambihirang 20 panalo mula sa knockouts, masususbukan ang lakas ng kamao ni Gaballo, na nagpatumba sa 15-sa-16 na nakalipas na laban sapol noong 2015, sa dating 2010 Youth Olympic Games gold medalist na may kakayanan ring magpabagsak ng kalaban sa rekord na 19-1 win-loss card at 12 knockouts.
Kabilang rin sa fight card ang salpukan nina Jaron “Boots” Ennis laban kay Chris Van Heerden sa 12-round co-main event para sa bakanteng IBO welterweight title at bakbakan nina Antonio Russell at Juan Carlos Payano sa 10-round showdown na live na mapapanood sa Showtime. Maghaharap naman sa non-televised undercard action ang tapatan nina Brandun Lee at Dakota Linger sa 10-round super lightweight bout.
Matapos mapanalunan ang interim WBA 118-pound belt laban kay American Stephon Young via unanimous decisionnoong Marso 23, 2018 sa Hard Rock Live sa Florida; apat na magkakasunod na knockout ang inukit ng 24-anyos mula Polomolok, South Cotobato sa kanyang huling apat na laban. Huling sumabak si Gaballo noon pang Disyembre 14, 2019 sa Elorde Sports Complex sa Paranaque City, kung saan pinatumba nito sa 6th round ng scheduled 10-round si Kongfah Nakornluang ng Thailand.
Nais namang makabawi ng 28-anyos mula Manati, Puerto Rico sa nakapanlulumong 2nd round knockout laban kay unbeaten Japanese boxer Naoya “Monster” Inoue (20-0, 17KOs) noong Mayo 18, 2019 sa SSE Hydro sa Glasgow, Scotland para sa bakanteng The Ring bantamweight title at IBF belt nito sa World Boxing Super Series semi-finals.
Hindi naman umano nababahala ang Puerto Rican boxer sa biglaang pagpapalit ng kalaban dahil pareho pa rin naman umano ang preparasyon para kay dating five-division World champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, na dapat na makakalaban nito, at kay Gaballo. Ang pinagka-iba lang umano ay mas bata si Gaballo at mas eksperyensyado at beterano si Donaire.
“I feel great right now. I’m physically and mentally in great shape and ready for whatever comes Saturday night,” saad ni Rodriguez. “I don’t believe that there’s much difference between Nonito and Gaballo. Gaballo tends to open up a little bit more than Nonito does, so it’s easier to connect on him. He is probably a little more aggressive than Nonito and his defense isn’t as good. I think Nonito would have been a tougher fight than Gaballo but I am not taking this fight lightly. We’re prepared for whatever comes. If it goes 12 rounds, I’m ready for all 12. He’s going to have his game plan and we’re going to have ours, and I’m confident that I’m going to come away with the win.”
Hindi inaasahan ang pagtatapat ng dalawang boksingero matapos mauwi sa masaklap na kaganapan ang dapat na magtatapat para sa titulo ng WBC bantamweight title na tunay na may hawak nito na si undefeated Nordine Oubaali (17-0, 12KOs) ng France, na kinilalang ‘Champion in Recess’ ng WBC at dating five-division World champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire matapos parehong magpositibo sa mapaminsalang novel coronavirus disease (Covid-19).
コメント