ni Gerard Peter - @Sports | December 26, 2020
Malaki ang paniniwala ni bagong hirang na World Boxing Council (WBC) interim bantamweight champion Reymart “Assassin” Gaballo na lahat ng kanyang paghihirap at pagsusumikap ay may kabayarang tagumpay.
Ang lahat ng kanyang mga sakripisyo’t pagpapakasakit na manatili sa Estados Unidos at malayo ng halos isang taon sa kanyang mga mahal sa buhay ay napalitan ng pagdiriwang at magandang resulta kasunod ng malaking panalo nitong nagdaang linggo laban kay dating World Boxing Organization (WBO) 118-pound titlist Emmanuel “Manny” Rodriguez ng Puerto Rico sa pamamagitan ng split decision victory sa Mohegan Sun sa Uncasville, Connecticut.
“I was so blessed because with my hard work, I got this one,” wika ni Gaballo ng may pagsulyap sa kanyang bagong titulo sa panayam ng Ringtv.com. “My hard work. It pays off.”
Halos mag-iisang taon ng nasa U.S. ang 24-anyos na tubong Polomolok, South Cotobato, partikular sa Miami, Florida, sapol noong Enero, kung saan dinatnan ng novel coronavirus pandemic habang nagsasanay sa ilalim ng batikang trainer na si coach Osmiri “Moro” Fernandez ng Cuba.
Inulan ng maraming kritisismo at batikos ang kanyang panalo laban sa 28-anyos na Puerto Rican boxer matapos paburan ng dalawang huradong sina John Mackie at Don Trella na nagbigay ng 115-113 at 116-112 na iskor sa unbeaten Sanman Promotions boxer, habang ibinigay ni David Sutherland ang 118-110 sa dating kampeon; samantalang pinagmulan ng kontrobersiya ang mga salita ng mga komentarista ng Showtime at boxing’s unofficial judge Steve Farhood na 118-110, gayundin ang hindi makapaniwalang tagasunod sa social media.
“For me it was a close fight,” sambit ni Gaballo (24-0, 20 knockouts). “Even though I’m coming forward I’m always punching, so maybe they look at me like I won the fight.”
Hindi naman nararapat umano na isisi sa Filipino knockout artist ang nakuhang panalo kung ibigay man sa kanyang ang desisyon ng dalawang hurado dahil makikita namang agresibo ito sa kanyang mga atake. “You cannot win a fight by coming and trying to steal a decision and just moving backwards and occasionally trying to land some punches. Reymart dictated the pace, just kept coming and coming, that’s how I saw the fight,” saad ni MP Promotions President at international matchmaker Sean Gibbons, na naging co-promoter ni Gaballo at ang Sanman Promotions ni JC Manangquil. “It wasn’t Gaballo’s fault that one guy tried to stink it out and he tried to make the fight.”
Umaasa ang kampo ni Rodriguez na mabibigyan sila rematch bout ng WBC matapos itong umapila pagkatapos ng laban. Hindi matanggap ni Rodriguez at ng kampo nito ang ibinigay na desisyon ng dalawang hurado na para sa mga mata at pananaw ng kampo ni Rodriguez (19-2, 12KOs), siguradong nanaig ito laban at naniniwalang mula sa unang pitong rounds ay kanyang nakuha, habang naibulsa rin nito ang 9-12 rounds.
Hindi makaka-abot sa kanyang mga kapamilya sa kapaskuhan si Gaballo, ngunit maaaring makauwi ito sa Pilipinas sa pagpasok ng Bagong Taon. Naghahanda na rin umano itong muling makabalik sap ag-eensayo sa Sanman Gym sa General Santos City upang hasain pa ang kanyang mga kakulangan at kahinaan sa laban.“I’ve been training in Miami a long time. I miss the Philippines.”
Comments