ni Gerard Peter - @Sports | December 19, 2020
Hindi hahayaan ng Games and Amusement Board (GAB) na magiging maluwag ito sa pagpapatupad ng kanilang alituntunin at mandato kahit pa man nalalapit na ang pagdating ng vaccine para sa novel coronavirus disease (Covdi-19).
Nais maniguro ni GAB chairman Abraham “Baham” Mitra na patuloy ang kanilang ahensya sa pagbabantay at pagpapatupad ng mahigpit na health guidelines at safety protocols sa lahat ng stakeholders nito sa professional sports.
“By next year even though the vaccine is coming, we should not be relax. Wag tayong magpapabaya. Baka kung kelan OK na at parating na ‘yung vaccine eh lalo tayong magkakaproblema,” pahayag ni Mitra, Huwebes sa lingguhang TOPS: Usapang Sports webcast via Sports on Air sa Facebook page.
Patuloy na pinaalalahanan ng dating Palawan governor ang lahat ng sakop nito na maging mapagbantay at sumunod palagi sa mga inilabas na safety guidelines at protocols ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID), kung saan malaki umano ang pasasalamat ng ahensya sa pagbuo ng Joint Administrative Order (JAO), katulong ang Philippine Sports Commission at Department of Health (DOH) na payagan na muling ipagpatuloy ang pagsasagawa ng pampalakasan sa gitna ng pandemya, higit na sa mga manlalarong kumukuha lamang ng ikabubuhay sa mundo ng pampalakasaan.
“Let’s please continue to be vigilant and let’s look after on the health and safety of our stakeholders,” wika ni Mitra. “We don’t want the sports to be the source of the problem.”
Inihayag din ni Mitra na dahil sa maayos na pagpapatakbo ng ahensiya ng gobyerno sa panahon ng pandemya, tila napansin ang maganda nitong ginagawa, kung kaya’t nabigyan ng 30% increase ang kanilang pondo sa Senate Committee on Sports mula sa panulak ni Sen. Christopher “Bong” Go.
“Nakita siguro nila na despite the pandemic, we adopt, nag-innovate ang GAB kaya nakikita nila in the future na baka maraming maitutulong,” saad ng dating 2nd district ng Palawan. “It’s pandemic time, ang hirap ng sitwasyon and nag-adopt tayo, even there is pandemic and there are few sports activities present, lalong dapat gumawa ng paraan na gumawa ng summit,” wika ni Mitra sa matagumpay na pagsasagawa ng 2nd Philippine Professional Sports Summit makalipas ang dalawang linggo.
“We are very thankful and grateful sa IATF for the resumption of professional sports, hanap buhay ito eh. Maraming naging challenges, but big help and big step forward ang JAO in resumption of sports,” sabi ni Mitra. “Learning experience namin baka medyo ma-perfect na namin mga stakeholders yan. Mabuti na yung careful tayo. It’s just a fair reminder to everybody na we have to look out for each other. Kapag nagkaproblema sa isang pro-league damay na ang lahat.”
Umaasa si Mitra, na kahit pa man marami pa ring pagbabawal sa larangan ng sports, lalo na sa hindi pa rin pagpapahintulot ng mga fans at pagsasagawa ng mga sports events at tournament sa Metro Manila, kasunod ng General Community Quarantine (GCQ) rito, positibo pa rin itong magiging maganda ang pasok ng pampalakasan sa bansa, higit na sa professional sports dahil sa mga pagpasok ng ilang pampalakasan sa propesyunal na liga. “We’re very excited and we’re looking forward to see things coming in 2021.”
Comments