ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 28, 2022
Paboritong almusal nating mga Pinoy ang pandesal. At ngayon ngang may pandemya, nakaambang maging mala-pandemic o “Pandesal na Anemic” na ang ating makakain. ‘Kalokah!
Bakit kamo? Aba, eh, kani-kanyang diskarte na ngayon ang mga nahihirapang panadero kung paano sila makatitipid sa gastos dahil pataas nang pataas ang presyo ng mga sangkap ng mga tinapay o pandesal, tulad ng harina. Kaya naman, hindi malayong bawasan na nila ang sangkap nito para makatipid. Hay, buhay!
Bukod sa pagtitipid sa sangkap nito, diskarte rin nilang humirit na ng tatlong pisong dagdag-presyo sa mga tinapay dahil hindi na nagbago ang presyo mula pa noong 2016.
Maliban sa mga sangkap, pataas din nang pataas ang halaga ng LPG at iba pang gastos sa pagpapatakbo ng negosyo.
Kaya sure ‘yan, papalag ang mga konsiyumer sa dagdag-presyo at lalo silang aaray dahil hindi malayong maging mala-pandemic o “pandesal na anemic” ang mabibiling pandesal dahil tinipid sa sangkap. Aruy! Huwag naman sanang maging ga-holen na lang ang laki niyan! ‘Kalerkey!
Sa harap niyan, eh, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon d’yan, eh, puwede nang umeksena ang DTI at magtakda na ng price freeze sa mga sangkap ng mga tinapay, ‘di ba?!
Panandalian ding IMEEsolusyon ang importasyon ng arina, ngunit dapat pang-emergency use lang at G2G o gobyerno-sa-gobyerno ang usapan. At para sa pangmatalagang IMEEsolusyon, dagdagan na ng nutrisyon ang mga tinapay, tulad ng ginamit sa Nutribun noong dekada ‘70.
Remember, guys, ‘yung Nutribun noong araw. Puwedeng dagdagan ang sangkap niyan, tulad ng kamote, cassava, monggo, kalabasa, patatas at bigas at mas puwede ‘yan pagyamain pa sa protina kapag ginamitan ng mani at malunggay! Oh, ‘di bah?
Kaya, kailangan bago pa man makapagtaas-presyo ang mga tinapay, paspasan na ang pagkilos, price freeze na agad sa mga sangkap para maluwagan ng kaunti ang ating mga panadero at mga konsiyumer! Sunod na ikasa ang mga naturang IMEEsolusyon!
Naku, ha? Ayoko ng pandesal na ga-holen o pandesal na anemic! Kayo ba, gusto n’yo?
Comments