ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 4, 2020
![](https://static.wixstatic.com/media/b16d6f_a456346376b54148b761b70ec182ebd1~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/b16d6f_a456346376b54148b761b70ec182ebd1~mv2.jpg)
Madaragdagan ang mga gintong medalya sa larangan ng Football sa darating na 31st Southeast Asian Games sa susunod na taon matapos pumayag ang punong abalang Vietnam na magsama ng dalawa pang uri ng pinasikat na sport sa buong mundo. Magbabalik ang Futsal at lalaruin sa unang pagkakataon ang Beach Soccer.
Kung ang Football ay hindi puwedeng mawala at suki ng Southeast Asian Games, ito ang magiging ika-limang pagkakataon na isinama ang Futsal sa kalendaryo. Unang nilaro ang Futsal noong 2007 sa Nakhon Ratchasima, Thailand at umulit sa 2011 Indonesia, 2013 Myanmar at 2017 Malaysia.
Tanging ang Thailand lang ang nanalo ng ginto sa panig ng kalalakihan at kababaihan sa apat na SEA Games. Ang pinakamataas na naabot ng Pilipinas ay ang tanso ng kababaihan noong 2007.
Huling naglaro ang Pilipinas noong 2011 sa pangunguna nina Misagh Bahadoran, Eddie Mallari at Ariel Zerrudo. Ilan sa mga bumida para sa kababaihan ay sina Honey Thomason, Cristine Zacarias, Karla Pacificador, Jocelyn Guico at Richelle Placencia.
Hindi na nagpadala ng kinatawan ang Pilipinas noong 2013 at 2017. Umaasa na yayabong muli ang Futsal sa pagkatalaga ng Philippine Football Federation (PFF) sa dating coach ng Thailand at alamat na manlalaro Victor Hermans ng Netherlands bilang Technical Director para sa Futsal.
Samantala, napipisil ang mga dating kampeon ng ASEAN Football Federation (AFF) Beach Soccer Championship na Vietnam, Thailand at Malaysia na maagang paborito para sa ginto. Sa tatlong edisyon ng torneo, sumali lang ang Pilipinas noong 2014 at hindi nagpadala ng koponan noong 2018 at 2019.
Comments