top of page
Search

Funeral benefit ng SSS member

BULGAR

by Info @Buti na lang may SSS | Oct. 27, 2024



Buti na lang may SSS

Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang tinatawag na funeral benefit ng SSS? Salamat.  — Allyson, Taguig


 

Mabuting araw sa iyo Allyson!


Ang benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit ay isang cash o financial assistance na ibinibigay ng SSS sa sinumang nagbayad o gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro ng SSS.


Sa ilalim ng bagong panuntunan, kung ang yumaong miyembro ay nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon o higit pa, maaaring makatanggap ang claimant ng P20,000 hanggang P60,000, depende sa bilang ng contributions at average monthly salary credit (AMSC) ng yumaong miyembro.


Subalit, kung siya ay nakapagbayad ng isa hanggang 35 buwanang kontribusyon lamang bago ang pagkamatay ng miyembro, makakatanggap ang claimant nito ng fixed amount na P12,000. 


Binibigyang prayoridad ang surviving legal spouse nang namayapang miyembro bilang claimant sa nasabing benepisyo kaysa sa ibang claimants. Dapat nakapangalan sa claimant ang mga dokumento sa pagpapalibing gaya ng resibo sa funeral service at iba pa. 


Sakop ng funeral benefit ang serbisyo sa pag-embalsamo, serbisyo sa paglilipat ng libing at mga permit, funeral services (gaya ng bayad sa simbahan o ang katumbas nito sa ibang relihiyon), cremation o interment services, pagbili o pagrenta ng kabaong, pagbili o pagrenta ng nitso o lot ng paglilibingan, at memorial/funeral insurance plan.


Ang mga gastos sa libing gaya ng nakasaad sa proof of payment ay babayaran sa ilalim ng funeral benefit, subalit hindi ito lalampas sa nakalkulang benepisyo na nakalaan sa nasabing miyembro.


Ang funeral benefit ay may prescriptive period na 10 taon. Ibig sabihin dapat mai-file ang funeral claim sa loob ng 10 mula sa buwan ng pagkamatay ng miyembro o pensyonado.


Ang mga claimant na miyembro rin ay maaaring mag-file ng kanilang funeral benefit applications online gamit ang kanilang My.SSS account. Ang mga hindi naman miyembro ay maaaring mag-file sa alinmang sangay ng SSS. 

***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page