ni Lolet Abania | May 27, 2022
Hindi na kailangan na magprisinta ng pre-departure COVID-19 negative test ang lahat ng mga fully vaccinated na mga biyahero na papasok sa bansa, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sinabi ng DOT, una nang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for COVID-19 response (IATF) ang pagbasura sa naturang travel requirement.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution 168, lahat ng travelers – edad 18 at pataas, at iyong fully vaccinated na o nakatanggap ng booster shot – ay exempted mula sa kinakailangang negative test proof.
Sakop din ng exemptions ang mga travelers na edad 12 hanggang 17 na nakatanggap ng kanilang primary COVID-19 vaccines, at iyong below 12-anyos na bumiyahe kasama ang kanilang mga fully vaccinated parents o guardians.
“We are glad that the propositions we have worked on have been approved by the IATF-EID and are now up for implementation. As we make it more convenient for tourists to visit the country, the public’s health and safety will remain the DOT’s priority,” ani Tourism Secretary Berna-Romulo Puyat.
“The DOT sees this development as a win for the local tourism industry as welcoming more tourists in the country will yield more revenues for our MSMEs and restore more jobs and livelihoods in the sector,” dagdag ng opisyal.
Kaugnay nito, ang travel insurance ay hindi na rin required subalit higit itong hinihikayat. Sa latest data mula sa DOT, nabatid na may kabuuang 517,516 dayuhang turista ang dumating sa Pilipinas na nai-record mula Pebrero 10 hanggang Mayo 25, 2022.
Sa naturang bilang, 104,589 ay mula sa United States; 28,474 sa South Korea; 24,337 sa Canada; 23,286 sa Australia; 20,846 sa Britain at 13,373 mula sa Japan. Kabilang sa iba pang dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas nitong mga unang buwan ng taon ay Vietnamese, Singaporeans, Malaysians, Italians, Irish at French.
Comments