ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 03, 2021
Mataas ang ating kumpiyansa na pagmumulan ang National Academy of Sports o NAS ng marami pang Pilipinong atleta na susunod sa mga yapak ni Hidilyn Diaz, ang unang Pilipinong nakasungkit ng ginto sa Olympics.
Naitatag ang NAS matapos isabatas ang Republic Act No. 11470 noong nakaraang taon kung saan ating itong unang itinulak sa Senado bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture. Bagama’t aminado tayong kinakailangan ng mga atleta natin ang mas malawak pang suporta, nais din nating kilalanin ang papel ng NAS upang magkaroon ng tinatawag na institutionalized government support para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
Sa ilalim ng naturang batas, nagbibigay ang NAS ng dekalidad na edukasyon sa high school, kung saan nakapaloob ang kurikulum na natatangi para sa sports. Binibigyang-konsiderasyon ng naturang kurikulum ang pangangailangan ng mga student-athletes pagdating sa kanilang edukasyon at pagsasanay. Ang dekalidad na edukasyon na matatanggap ng mga mag-aaral ng NAS ay magiging daan upang magtagumpay sila sa kanilang sports o sa mapipili nilang propesyon o karera. Full scholarships ang ipagkakaloob ng NAS sa mga natural-born Filipino citizens na may natatanging potensiyal para sa sports.
Bagama’t hindi pa rin pinahihintulutan ang pagsasagawa ng face-to-face classes dahil sa pandemya, nais bigyang-diin ng inyong lingkod na makagagamit ang ating mga NAS scholars ng mga dekalidad na pasilidad para sa kanilang training. Matatagpuan sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac ang main campus ng NAS. Isinusulong naman ng batas ang pagpapatayo ng mga regional high school para sa sports na popondahan ng pambansang pamahalaan, bagay na makatutulong sa mga batang atleta na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang mga shortlisted applicants ng NAS Annual Search for Competent, Exceptional, Notable and Talented Student-Athlete Scholars (NASCENT SAS) ay iaanunsiyo ngayong Agosto 18. Ang paglagda naman sa scholarship agreement at enrollment ay nakatakda ngayong Agosto 30.
Sa pamamagitan ng sports academy, pagkakalooban natin ang mga student-athlete scholars ng kinakailangan nilang suporta sa mga unang bahagi pa lang ng kanilang pakikipagsapalaran upang makapagbigay-karangalan sa ating bansa at makagawa ng kasaysayan tulad ni Hidilyn Diaz at marami pang iba.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments