ni Jasmin Joy Evangelista | November 20, 2021
Nanawagan ang grupong Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Incorporated na gawin nang full operation ang mga bus sa bansa.
Ayon sa grupo, tila nakalimutan na sila ng gobyerno lalo't nagbubukasan na ang halos lahat ng mga sektor ngayong niluwagan na ang COVID-19 restrictions sa bansa.
Sa kanilang hanay, nasa 3 hanggang 8 porsiyento pa lang anila ang mga bus na bumibiyahe at karamihan ay biyaheng south.
Hiling din nilang gumamit ng mga pribadong terminal dahil na rin sa pangkalusugang dahilan.
"Nakiusap po kami sa gobyerno kung puwede pong i-lift kasi ang pananaw po namin, mas maigi nga po na sa private terminals kami bumagsak for medical reasons, mas maganda 'yung di crowded. Kasi ang konsepto sa NLET, sama-sama po kaming lahat doon, 'yung mga land transport. So mas madali po kung medical perspective sa private terminals dahil reduced capacity kami, mas madali mag-manage ng mga pasahero," ani Vincent Rondaris, pinuno ng grupo.
Sinabi naman ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na binuksan na nila ang lahat ng ruta para sa provincial buses at nakontrol lang anila ang bilang ng units dahil sa requirements ng mga LGU.
"Sa nilabas natin na MC nitong 2021, kung hindi ako nagkamali some time in March, halos open na 100% yung routes kaya lang ang requirement kasi doon ng LTFRB is an endorsement from the LGU outside of NCR na panggagalingan nila kung open na ba 'yung borders nila for the provincial buses. So ang ginagawa po nila ini-endorse naman ng LGU kung meron sa LTFRB para ma-isyuhan namin QR code," ani LTFRB Central Office Technical Division Head Joel Bolano.
Payo ng ahensiya sa mga bus company na dumulog sa mga LGU kung papayagang bumiyahe sa mga lugar na sakop nito.
Comentarios