top of page
Search
BULGAR

Frontliners sa sektor ng edukasyon, iprayoridad sa bakuna kontra COVID-19

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 4, 2021



Ipinapanukala ng inyong lingkod sa Department of Education (DepEd) na bumuo ng sarili nitong “panel of experts” na magsisilbing gabay sa pagsasagawa ng pilot test para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa low-risk areas.


Kung ang pangkalahatang sitwasyong pangkalusugan ay tinututukan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang panel naman ng mga eksperto sa ilalim ng DepEd ang magsisilbing tagasuri ng pilot testing program ng localized limited face-to-face classes gamit ang mas angkop na kaalaman, lalo na’t magkakaiba ang sitwasyong kinahaharap ng mga paaralan sa buong Pilipinas.


Hindi ibig sabihin na dahil nagkansela ng face-to-face classes ay titigil na rin tayo sa pilot schools. Sa katunayan, magandang paraan ito para mapag-aralan ng ating mga siyentista ang maaaring gawin upang maibsan ang matinding pinsala ng COVID-19 sa ating mga mag-aaral.


Bagama’t una nang binalak ng DepEd na magsagawa ng pilot test sa 1,065 na paaralan, mas pabor ang inyong lingkod sa mga suhestiyon na isagawa ang mga ito sa mas maliit na bilang ng mga paaralan na dadaluhan ng mas maliit na bilang ng mga mag-aaral sa mga lugar na wala o kakaunting kaso ng COVID-19.


Ibinahagi ng Philippine Pediatric Society (PPS) ang resulta ng pag-aaral sa 191 bansa kung saan walang ugnayang nakita sa kalagayan ng mga paaralan sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa komunidad. Nagbabala rin ang organisasyon na ang isang taong pagsasara ng mga paaralan ay katumbas ng dalawang taong pagkawala ng pagkatuto ng mga estudyante.


Ayon pa sa PPS, ang epekto ng pangmatagalang pagsasara ng mga paaralan—tulad ng pag-urong ng kaalaman, pagtaas ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso at maagang pagbubuntis—ay maaaring mapigilan kung ang localized limited face-to-face classes ay may mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.


Maaaring maging mas malalim at mas matagal ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan. Bago pa tumama ang COVID-19, ang mga mag-aaral ay nahuhuli na sa mga international large-scale assessments at mababa na rin ang kanilang mga national achievement scores. At dahil sa kawalan ng face-to-face classes, internet connectivity, at gadgets, nakalulungkot na mas lalo pang napag-iwanan ang ating mga mag-aaral.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, muli rin nating idiniriin ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa ating mga guro para sa vaccination program. Sa Indonesia, halimbawa, binakunahan na nila ang mga guro bago ang iba pang nasa hanay ng vulnerable groups. Ngayong unti-unti nang nag-uumpisa ang rollout ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa, umaasa tayong hindi mapag-iiwanan ang ating mga frontliners sa sektor ng edukasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page