ni Nitz Miralles @Bida | Dec. 11, 2024
Noong isang araw, nakausap ng press si Lorna Tolentino at tinukso siya ng press kay Senator Lito Lapid. Pero, sey ni LT, wala siyang suitor.
“Hindi talaga, hindi na talaga,” pagkokorek nito sa sinabi.
Meaning, wala na siyang balak pang palitan si Rudy Fernandez.
Dagdag pa nito, “Friends lang kami ni Senator. Ang dami kong friends na senador at may kamag-anak din akong senator. Maraming naging kaibigan si Daboy.”
Nabanggit pa ni LT na matatapos na ang Batang Quiapo (BQ), kaya matatapos na rin ang love team nila ni Sen. Lito.
Saka, naka-focus si LT ngayon sa mga apo at very proud sa apong si Tori at sa second apo na ang pangalan na Rodolfo Victor ay pinagsamang pangalan nila ni Daboy.
Anyway, makakaharap ng press si Sen. Lito Lapid ngayong araw at tiyak, matatanong din siya tungkol sa kanila ni LT. Pakinggan natin kung ano ang magiging pahayag ng senador sa sinabi ni LT.
Makakakita siguro tayo ng trace ng acting ni Robert de Niro sa pag-arte ni Arjo Atayde sa Topakk dahil sa nabanggit ni Director Richard Somes sa mediacon ng movie na, “I emailed Arjo pictures of Robert de Niro in Taxi Driver (pelikula ni De Niro), hindi na siya nagtanong.”
Ang husay ni De Niro sa nabanggit na pelikula at may line siyang, “You talkin’ to me,” na naging iconic at hindi makalimutan ng mga nakapanood ng pelikula.
Aabangan namin ang parehong eksena ni Arjo na ang karakter sa movie ay may PTSD o Post Traumatic Stress Disorder.
With Julia Montes, may ginawang Powerpoint presentation si Direk Richard sa kanya at sa ipinakitang husay ng aktres sa trailer pa lang, ibig sabihin, nakuha niya ang memo ng kanilang director.
What is more interesting sa story ng Topakk na isinulat din ni Direk Richard ay ang plight ng ex-military men, kung bakit karamihan sa kanila, after retirement ay nagtatrabahong security guard o bodyguard ng rich and powerful men.
Sabi pa ni Direk Richard, “Nagulat ako nang malamang most of the security guards na nakakausap ko ay former soldiers,” at tanong nito, wala raw bang ibang trabaho silang mapapasukan aside from guarding malls, warehouses, factories, buildings at iba pang nagha-hire sa kanila?
Samantala, ayon naman kay Arjo, “Ayokong maging OA (overreacting) sa role at mga eksena ko. Pinag-aralan namin ang karakter ko, we watched videos at may military man sa set, na pati how to stand properly ay itinuro.”
Ano ang pinakamahirap niyang eksena?
“The whole thing is difficult. But the beginning and ending are two of my favorite scenes at ‘yun din ang pinakamahirap na eksena. I explore the world of ex-con (dating kriminal),” sagot ni Arjo.
Tinapos ni Direk Richard in 18 days ang movie, masusi ang plano at hindi sila bara-bara. Makikita naman ito kapag pinanood na ang Topakk simula December 25, entry ng Nathan Studios, Fusee at Strawdogs sa 2024 MMFF.
Naglabas na ng tiket ng Green Bones (GB) at siguradong pati ang ibang entries sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF), mabibili na ang tiket ngayon pa lang. Maganda ito para hindi na pumila ang mga moviegoers, diretso na sa mga sinehan.
Anyway, isa sa mga aabangan sa GB ay si Iza Calzado dahil kasama siya sa pelikula at ang nasabing pelikula lang daw pala ang magpapabalik sa kanya sa GMA-7.
Kaya kahit special participation lang siya at five days lang ang shooting, tinanggap pa rin niya ang pelikula.
“I read it as a script. When I said yes to it, I said yes because it was a good script, regardless of who was producing it, because the script is king, in my opinion. Ito po pala ang aking pagbabalik sa GMA,” ayon kay Iza.
Sa direction ni Zig Dulay, ang Green Bones ay mula sa GMA Pictures, GMA Public Affairs at Brightburn Entertainment.
Comments