top of page
Search
  • BULGAR

Friends daw ang gumagastos sa b-day party ni PBBM, talaga ba?!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 18, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MULA NANG MABULGAR NA PINAGKAKAKITAAN ANG LIMPAK-LIMPAK NA SALAPI ANG PORK BARREL, MGA SIKAT NA PERSONALIDAD GUSTO NA RING MAGING SENADOR -- Noon, ang mga kumakandidato sa pagka-senador ay mga statesman o mga respetadong political leader, wala silang paki sa pork barrel dahil ang pokus nila ay gumawa ng mga batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan.


Pero mula nang mabulgar ang pork barrel scam at malaman na ang pork barrel ay puwedeng pagkakitaan ng limpak-limpak na salapi, aba’y tingnan n’yo naman, ang dami ng sikat na personalidad ang mga senador na ngayon. At sa darating na 2025 midterm election, may mga sikat na personalidad na naman na gagamitin ang kanilang kasikatan para maging senador, boom!


XXX


TIKLOP KAY MAYOR MAGALONG ANG MGA PORK BARREL POLITICIAN -- Noong July 2023, binatikos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pork barrel ng mga senador at kongresista, na dapat daw ay isakripisyo na ito ng mga sen. at cong, na ibig sabihin, wakasan na ang pork barrel na pinagkakakitaan umano ng mga pork barrel politician sa kickback sa mga kontrata.


Lahat ng mga pork barrel politician na mga pabidang senador at kongresista, tiklop sila sa atakeng ito ni Mayor Magalong, dahil isa man sa kanila ay walang naglakas-loob na ipatawag ang alkalde sa Senado at Kamara para kuwestiyunin sa ibinulgar na kickback sa pork barrel kasi nga alam nila na bilang isang dating police general na namuno noon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay alam nilang hindi sila aatakehin nito kung wala itong ebidensya sa posibleng katiwalian sa pork barrel funds, period!


XXX


DAHIL NAGTATAGO SA BATAS, PUGANTE NA ANG TAWAG KAY HARRY ROQUE -- May ipinaiiral na batas sa Kamara na ang sinumang resource person na nagsisinungaling at hindi sumipot sa patawag na imbitasyon ay puwedeng i-cite ng contempt at ipakulong.

Si former presidential spokesman Harry Roque ay madalas magsinungaling sa Kamara at inisnab na rin niya ang subpoena ng House of Representatives, kaya siya ay kinontempt at ipinahuhuli ng Quad-Committee.


Kaya iyong pahayag ni Roque na hindi siya pugante, kasinungalingan na naman iyang sinabi niyang ‘yan, dahil ang patuloy niyang pagtatago sa batas ng Kamara at ang sanib-puwersa ng mga House operatives at pulisya sa paghahanap sa kanya para siya hulihin ay pagpapatunay na isa na siyang pugante sa batas, boom!


XXX


MGA GUMASTOS SA B-DAY PARTY NI PBBM, MGA KUMIKITA SA GOBYERNO? -- Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Sec. Cesar Chavez, kahit singko raw ay walang ginastos ang gobyerno sa birthday party ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa isang 5-star hotel sa Pasay City dahil mga kaibigan daw ng Pangulo ang gumastos dito.


Maaari ngang walang gastos ang gobyerno sa birthday party na ito ni PBBM pero malamang ‘yung mga friends ng Presidente na gumastos dito ay mga kumikita naman sa mga kontrata sa gobyerno, period!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page