ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 15, 2023
Edukasyon.
Sa lahat ng aspetong panlipunan na dumaranas ng krisis, ang edukasyon na yata ang nangangailangan ng tuluy-tuloy na reporma at atensyon – ito na yata ang sektor na kahit kailan, hindi nawawalan ng suliranin.
Sa ngayon, isa sa mga problema ang umano’y kakulangan ng ating fresh graduates ng tinatawag na “soft skills”.
Ano ba ang soft skills?
Ito ‘yung socialization, critical thinking, emotional intelligence, empathy, creativity, resilience and communication, na ayon sa mga eksperto ay kasing-importante ng mga nasa school curriculum o ‘yung mga pinag-aaralan natin sa silid-aralan. Ito ‘yung mga karunungan na natutunan natin mula sa ating mga magulang o mula sa ating mga tahanan. Ang problema, sino nga naman ang gagabay sa mga mag-aaral na nasa ibayong-dagat ang mga magulang upang magtrabaho?
Sa isang situational report ng Commission on Human Rights (CHR), ang kakulangang ito ng mga bagong graduates ang ilan sa mga dahilan kung bakit hirap na hirap silang makapaghanap ng trabaho matapos ang ilang taong pag-aaral. At karamihan sa graduates na ito ay nakapagtapos sa panahon ng pandemya.
Marahil, kung hindi umano naputol ang face-to-face classes ay mas na-develop ang soft skills ng mga kabataan.
Pero sa totoo lang, bago pa dumating ang pandemya, isa na ito sa mga problema ng mga nagtapos ng pag-aaral. At dahil matagal na pala itong problema ng ating sistemang pang-edukasyon, dapat talagang matutukan ito, kasabay ang pagpokus din natin sa problema sa reading comprehension ng mga mag-aaral at iba pang educational problems.
Nitong Huwebes, nagkaroon ng pagpupulong ang Congressional Committee on Education (EDCOM) at isa ito sa mga pinag-uusapan ng komisyon.
Isa pang nagiging isyu ngayon ang mga panawagang repasuhin ang K-12. Sa ating palagay, puwede ito dahil may mga pangako ang gobyerno (mula nang maisabatas ang K-12 hanggang ngayon) na hindi natupad. Isa sa mga pangakong ‘yan, maaari nang mabigyan ng job opportunities ang K-12 graduates na hindi naman naisakatuparan. Ang dahilan, mas pinipili pa rin ng mga kumpanya at iba pang employers ang mga college graduates.
Samakatwid, may pagkukulang talaga ang gobyerno sa paksang ito. Nang maipasa ang K-12, maraming naipangako sa mga kabataan at kani-kanilang mga pamilya na napako.
Dapat magawan ito nang paraan para naman matupad ang mga pangakong ‘yan.
‘Yung mga opsyon o panawagang itigil ang K-12, para sa atin, hindi naman ito dapat. Ang mahalaga lang, matupad ang mga nakapaloob na pangako sa ilalim ng programang ito tulad ng ‘pag nakapagtapos ng techvoc course ang isang estudyante at certified na siya, puwede na siyang makapagtrabaho kahit hindi graduate ng kolehiyo. Ang problema, walang mga sertipikasyon hanggang ngayon. Paano nga naman sila tatanggapin ng mga kumpanya o employer kung wala silang maipakikitang sertipikasyon ng gobyerno na nagsasabing maaari na silang makapagtrabaho kahit hindi tapos ng kolehiyo?
Kaya sisiguruhin natin na mareresolba ito sa mga darating na panahon upang mas maging employable ang mga K-12 graduates natin at nang kumita rin sila para magastusan nila ang ambisyong makatapos pa rin ng kolehiyo.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments