ni Lolet Abania | October 29, 2022
Nag-anunsiyo ang Philippine National Railways (PNR) ng pansamantalang kanselasyon ng kanilang mga biyahe habang ang Light Rail Transit-Line 2 (LRT2) ay nagkansela naman ng free rides sa mga estudyante ngayong Sabado, Oktubre 29, 2022, dahil sa Severe Tropical Storm Paeng na tinatahak ang Luzon.
Ayon sa PNR ang kanilang mga biyahe ay kinasela simula alas-9:00 ng umaga para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero sa gitna ng masamang panahon dulot ni ‘Paeng’.
Sinabi naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang kanilang Libreng Sakay para sa mga estudyante ay temporarily suspended ngayong Sabado, Oktubre 29, simula alas-10:00 ng umaga.
Ito ay matapos na suspendihin ang mga klase sa maraming lugar dahil sa Bagyong Paeng.
Samantala, itinaas ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 ng alas-11:00 ng umaga ang buong Metro Manila; Marinduque; northern at central parts ng Quezon (Pitogo, Lucena City, Pagbilao, Infanta, Tiaong, Unisan, Plaridel, San Antonio, Candelaria, Lucban, Sampaloc, Padre Burgos, Sariaya, City of Tayabas, Mauban, Dolores, General Nakar, Agdangan, Gumaca, Atimonan, Real, Macalelon, General Luna, Catanauan) kabilang ang Polillo Islands; Laguna, Batangas, Cavite, Rizal, Bataan; ang southern portion ng Zambales (Olongapo City, Subic, Castillejos, San Antonio); ang northwestern portion ng Occidental Mindoro (Paluan, Abra de Ilog) kabilang ang Lubang Islands; at ang northern portion ng Oriental Mindoro (San Teodoro, Puerto Galera, Baco, City of Calapan, Naujan).
Isinailalim naman sa TCWS No. 2 ang buong northwestern portion ng Sorsogon, ang western portion ng Masbate kabilang ang Burias Island, Camarines Sur, Camarines Norte, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, ang natitirang bahagi ng Quezon, Romblon, Nueva Ecija, Pangasinan, Albay, ang southern portion ng Aurora, Bulacan, Pampanga, Tarlac, the rest of Zambales, ang northwestern portion ng Antique, at ang western portion ng Aklan.
Nasa TCWS No. 1 naman ang buong Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Abra, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Sur, La Union, ang natitirang bahagi ng Aurora, Catanduanes, ang natitirang bahagi ng Sorsogon, ang natitirang bahagi ng Masbate kabilang ang Ticao Island, ang northern portion ng Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, Bohol, Negros Occidental, Negros Oriental, Guimaras, ang natitirang bahagi ng Aklan, ang natitirang bahagi ng Antique, Capiz at Iloilo.
Comments