ni Lolet Abania | June 4, 2022
May libreng airport shuttle rides para sa mga pasahero ang Grab Philippines na magsisimula sa Hunyo 15 hanggang 30, ito ay bilang suporta ng kumpanya sa free ridership program ng pamahalaan.
Sa isang statement, masayang tinanggap ng Department of Transportation (DOTr) ang inisyatibong ito ng Grab na nag-aalok ng free airport shuttle rides para sa mga pasahero mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 2 at 3 hanggang sa saanmang lugar sa National Capital Region (NCR).
Ang free airport shuttle ay sisimulan sa Hunyo 15 hanggang 30, 2022, mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi. Ayon sa DOTr, magde-deploy ang Grab ng 100 units para sa naturang free airport shuttle program.
Para ma-avail ang libreng shuttle service, kailangan ang mga pasahero na mag-book sa Grab booths na matatagpuan sa arrival areas ng NAIA Terminals 2 at 3. Pinasalamatan naman ni DOTr Secretary Art Tugade ang Grab para sa naturang free shuttle services dahil napadagdag ito sa kasalukuyang Libreng Sakay Program ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Gayundin, pinasalamatan ng Grab Philippines sina Pangulong Rodrigo Duterte at Tugade sa paglulunsad nito ng Libreng Sakay Program.
“We thank President Rodrigo Roa Duterte and the DOTr under the leadership of Secretary Art Tugade for launching the Libreng Sakay program, as well as other valuable projects that continue to benefit the Filipino commuters,” pahayag ng Grab.
Comments