ni Ryan Sison - @Boses | April 16, 2021
Libreng sakay sa essential workers sa buong bansa.
Ito ang ipinag-utos ni Transport Secretary Arthur P. Tugade hinggil sa nationwide implementation ng kanilang Free Ride Service Program para sa mga Health Workers at Authorized Person Outside Residences (APORS).
Inatasan na umano ng kalihim ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawakin pa ang pagpapatupad ng Free Ride Service, hindi lamang sa Metro Manila at kalapit-lalawigan kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa, anuman ang umiiral na community quarantine.
Matatandaang layunin ng programa na matulungan ang essential workers na makarating sa kani-kanilang destinasyon nang ligtas at walang gastos.
Gayunman, nilinaw ng kalihim na ipatutupad ang Free Ride Service Program para sa mga Health Workers at APORS hanggang sa panahong ang magamit lahat at ma-disburse ang pondong inilaan ng Bayanihan to Recover As One (Bayanihan II) para sa Service-Contracting Program.
Sa totoo lang, maraming komyuter ang natuwa dahil anila, nakatitipid sila, gayundin ay nasusunod pa ang health protocols sa loob ng sasakyan.
Kung tutuusin, napakalaking tulong nito sa mga manggagawang patuloy na naghahanapbuhay sa gitna ng pandemya, partikular ang ating health workers. Kumbaga, maginhawa ang biyahe dahil bukod sa libre ay safe pa.
Kaya kung kakayanin naman palang gawin ito sa buong bansa, gawin na hangga’t may pondo para kahit paano ay patuloy tayong makatulong sa mga essential workers.
Panawagan lang sa ating mga komyuter, patuloy na sumunod sa mga umiiral na health protocols sa loob ng sasakyan para makaiwas sa hawaan.
At hangad nating maipatupad ito sa lalong madaling panahon para mas marami pang manggagawa ang makinabang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments