top of page
Search

FRANK, NIRESBAKAN NG NETIZENS SA PAGTAWAG NA HOMEWRECKER KAY ABEGAIL

BULGAR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 24, 2023



Napasama ang pagkokomento ni Frank Magalona, ang panganay na anak ni Pia Arroyo-Magalona at ng namayapang Master Rapper na si Francis Magalona (SLN), dahil sinagot niya ang sinabi ni Abegail Rait, ang ina ni Gail Francesca Rait na anak daw ni Kiko.


Nabanggit kasi ni Abegail na 15 years silang nanahimik ng anak niyang si Gail Francesca na ibig sabihin ay itinago sa publiko na nagkaroon siya ng kaugnayan kay Francis at nagkaroon sila ng anak.


Ang komento ni Frank ay dapat lang na manahimik si Abegail dahil ‘homewrecker’ siya.


Hindi nagustuhan ng mga netizens ang komentong ito ni Frank dahil naglabasan sa balita na hiwalay na raw ang mama at papa niya noong dumating si Abegail sa buhay ni Francis.


Ibinase ito sa Facebook post ng kaibigan ni Kiko na si Robby Tarroza na viral ngayon.


Nabanggit din ni Robby na marami silang pinag-usapan ni Francis dahil naglabas ito ng sama ng loob sa panahong nagsasama pa sila ni Pia.


At dito na inilabas na hindi raw kasal sina Pia at Francis dahil may naunang marriage si girl sa isang Mr. Lim.


Walang makapagsabi kung ikinasal sina Pia at Francis sa Pilipinas, pero may patunay namang ikinasal ang dalawa sa Hong Kong dahil naglabas ng larawan ang long-time publicist nilang si Pilar Mateo sa kanyang FB account nu'ng Linggo.


Going back to Frank ay kaliwa’t kanan ang bashing sa kanya at isa sa mga nabasa namin ay, “It’s a TIE lang naman kayo ni Gail Francesca, kung makapagsalita ka naman.”


Ito rin ang nabanggit ni Nanay Cristy Fermin sa radio program nila ni Romel Chika na Cristy Ferminute sa Radyo 5 92.3 TRUE FM kahapon, Lunes, na ‘it’s a tie’ nga mula naman sa CFM’ers nila.


Baka ito ang dahilan kaya nananatiling tahimik si Pia sa lahat ng naglabasang isyu tungkol kina Abegail at Gail Francesca dahil baka may iba pang nakakaalam ng kuwento bukod kay Robby at madagdagan pa ang mga kuwentong hindi alam ng publiko.


Pero nananatiling bukas ang BULGAR sa panig ni Pia o ng kahit sinuman sa mga anak niya tungkol dito.


 

RYAN, JOIN SA GRUPO NINA PIOLO


Natuwa kami sa nag-iisang anak nina Deputy Speaker of the House of Representatives of the Philippines Ralph Recto at dating governor at 6th District representative ng Batangas na si Ms. Vilma Santos-Recto na si Ryan Christian-Recto sa ginanap na cast party ng Mallari The Movie.


Bilang pasasalamat sa lahat ng taong bumuo ng pelikula ni Piolo Pascual na entry ng Mentorque Productions at CleverMinds, Inc. sa 2023 Metro Manila Film Festival ay nagkaroon ng cast party at parapol ang producer na si Bryan Diamante na ginanap sa BGC nitong Linggo nang gabi.


Huli naming nakita si Ryan noong elementary pa na napakabait at marespetong bata na tanda naming kuwento pa noon ng Girl Friday ni Ate Vi na ang namayapang si Ms. Aida Fandialan ay bahay at school lang ang ruta ng bagets.


At base sa nakita namin sa cast party ay para siyang bata na ang saya-saya kasama ang mga kaibigan at tuwang-tuwa sa mga nagaganap. Game na game rin siyang makipagkodakan sa mga bisitang dumating, staff and crew.


Napakasimpleng tao at napakagalang nang ipakilala kami ng Mentorque producer sa binata nina Ginoong Ralph at Ate Vi.


Hindi pa rin nagbabago si Ryan, siya pa rin ‘yung dating bata na nakilala namin decades ago. Nabanggit din naman ng isang staff ni Ate Vi na si Ms. Rona Banaag na hindi talaga naglalalabas ang binata dahil busy ito sa kanyang thesis.


Napipilit lang daw gumimik si Ryan kapag kasama ang staff ng kanyang ina o ama bilang nag-iingat na rin.


Sa tanong namin kung papasok din sa politics si Ryan ay hindi raw ito napag-uusapan pa pero mahilig nang tumulong ang binata at maraming projects na hindi nababalita.




0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page