top of page
Search
  • BULGAR

France at Japan matibay sa VNL final round set

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2024



Sports News

Nagpasiklab ang Pransiya sa huling araw ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) Linggo sa MOA Arena. Sinimento ng mga Pranses ang kanilang upuan sa quarterfinals sa limang makapigil-hiningang set laban sa nagbabakasakaling Brazil, 25-23, 27-29, 13-25, 25-19 at 18-16, para sa pangwalong panalo sa 12 laro. 


Naglalaro na nakasalalay ang kanilang kinabukasan, sinayang ng Brazil ang 12-9 bentahe sa ika-limang set. Nararapat na tinuldukan ng mga Pranses ang mainitang laro sa isang alas na eksaktong tumama sa linya. 


Namuno sa Pransiya si Theo Faure na may 29 puntos habang nag-ambag si Kevin Tillie ng 14. Bumaba ang Brazil sa 6-6 at hihintayin ang mga nalalabing mga resulta sa MOA at Ljubljana, Slovenia upang matukoy kung pasok sila sa walong koponan na lalaro sa Poland ngayong Hunyo 27 hanggang 30. 


Sa isa pang laro kahapon ng dalawang bansa sa ilalim ng liga, tinapos ng Alemanya ang kanilang kampanya sa positibo at iniligpit ang Iran, 25-20, 25-23 at 25-20. Nag-iwan ng magandang ala-ala sina Moritz Karlitzek na may 21 at tukayo Moritz Reichert na may 13. 


Nagpamalas ng malaking puso ang Japan at tinaob ang Pransiya Sabado ng gabi upang lalong mapabuti ang kanilang posisyon papasok sa quarterfinals at matapat na mas “magaan” na kalaro. Wagi ang mga Hapon sa mga Pranses matapos isuko ang unang dalawang set – 17-25, 19-25, 25-16, 25-23 at 15-10 – at nagpalitan sila ng ika-lima at ika-anim na puwesto. 


Ibinuhos ni kapitan Yuki Ishikawa ng 22 ng kanyang kabuuang 33 puntos sa huling tatlong set habang sumuporta si Kento Miyaura na may 19. Tinatapos ng mga Hapon at Estados Unidos ang huling laban sa MOA kagabi bago ang pormal na pagsara ng matagumpay na yugto, ang pangatlong pagkakataon na ginanap ang prestihiyosong torneo sa Pilipinas. 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page