top of page
Search
BULGAR

Foreigner, pinamanahan ng lupa ng gf

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 12, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang dayuhan na matagal nang naninirahan dito sa Pilipinas. Mayroon akong naging kasintahan na Pilipina sa loob ng mahigit 10 taon, subalit, bago pa man kami maikasal ay namatay siya dahil sa cancer. Napag-alaman kong bago siya bawian ng buhay ay gumawa siya ng Last Will and Testament kung saan ang lupa na aming tinitirhang bahay ay ipinamana niya sa akin. Maaari ko bang manahin ang nasabing lupa? Maraming salamat. - Lin Shen


Dear Lin Shin,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 7, Article 12 ng Saligang Batas kung saan nakasaad na:


“Article XII – National Economy and Patrimony


Section 7. Save in cases of hereditary succession, no private lands shall be transferred or conveyed except to individuals, corporations, or associations qualified to acquire or hold lands of the public domain.”

Ayon sa batas, hindi maaaring magmay-ari ng lupa sa Pilipinas ang isang dayuhan maliban lamang sa pamamagitan ng mana. Para mas bigyang-linaw ang probisyong ito, tinalakay ito ng Korte Suprema sa kaso ng Ramirez vs. Vda. De Ramirez (G.R. No. L-27952, February 15, 1982) kung saan sinabi nito, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Jose Abad Santos, na:


“We are of the opinion that the Constitutional provision which enables aliens to acquire private lands does not extend to testamentary succession for otherwise the prohibition will be for naught and meaningless. Any alien would be able to circumvent the prohibition by paying money to a Philippine landowner in exchange for a devise of a piece of land.”


Nangangahulugan lamang ito na ang paglipat ng pagmamay-ari sa isang dayuhan sa pamamagitan ng Last Will and Testament ay labag sa Saligang Batas. Sa iyong sitwasyon, dahil ikaw ay isang banyaga, at ang lupa ay minana mo sa pamamagitan ng Last Will and Testament o sa tinatawag na testamentary succession, ang nasabing pamana ay magiging walang bisa patungkol sa nasabing lupa at hindi ito malilipat sa pangalan o pagmamay-ari mo sapagkat ipinagbabawal ito ng ating Saligang Batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page